552 total views
Pinaalalahanan ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang mamamayan na hilingin sa Diyos ang paggabay sa pang araw-araw na buhay.
Ito ang mensahe ng Obispo kaugnay sa pagtanggap ng mga kandidato at pagbabasbas sa sinumang humihiling at lumalapit sa simbahan.
“We remind all who come to us, that we must always resort and return to God. In their campaigns and works, let it be God first, and everyone, everything to God, for God,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, bilang Simbahan bukod tanging panalangin ang maiaalay para sa kawang nasasakupan.
Nilinaw ni Bishop Santos na mananatiling non-partisan ang simbahang katolika subalit bukas ito sa sinumang nagnanais humiling ng pagbabasbas.
“Our Church is open to all, we welcome all. The Church as a Mother accepts all, accommodates and is available to all,” ani Bishop Santos.
Kamakailan ay bumisita sa St. Joseph Cathedral sa Balanga si Presidental aspirant Ferdinand Marcos Jr. kung saan tinanggap at binasbasan ni Bishop Santos.
Bukod kay Marcos Jr. nauna nang nagtungo sa Balanga Cathedral sina presidential aspirant Norberto Gonzales, Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice President Leni Robredo.
Bahagi na ng pag-iikot ng mga kandidato ang pagbisita sa mga simbahan at iba pang religious communities upang makipagdayalogo para sa ikabubuti ng pamayanan.
Tiniyak ng Simbahan na bagamat non-partisan ay mananatiling kumikiling sa katotohanan at katarungan at magbibigay ng mga panuntunang gagabay sa 67-milyong botante sa darating na halalan sa Mayo.