400 total views
Hinimok ni Diocese of Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mga lingkod ng simbahan na magkaisang tugunan ang pangangailangan ng nasasakupang mananampalataya na nahaharap sa pagsubok bunsod ng nagdaang bagyong Odette.
Ayon sa Obispo, mahalagang maramdaman ng mamamayan ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng mga pastol ng simbahan kabilang na ang pagdarasal, pakikinig, pakikiisa sa karanasan at higit sa lahat ang pagkakawanggawa.
Hamon ni Bishop Uy sa mga kapwa lingkod ng simbahan na maging mabuting samaritano sa panahong higit nangangailangan ng kalinga ang mamamayan.
“Sa mga kapatid kong pari at relihiyoso lumabas tayo sa ating mga comfort zone para hanapin ang mga nahihirapang pastol; sa panahong ito na nasalanta tayo ng kalamidad hikayatin natin ang ating kawan na maging ‘Good Samaritan’ para sa kapwa,” bahagi ng panawagan ni Bishop Uy.
Sa pananalasa ng bagyong Odette nitong December 16, isa ang Bohol sa labis naapektuhan kung saan ilang simbahan, gusali at tahanan ang napinsala habang umabot sa 74 ang nasawi.
Panawagan ng obispo sa lahat ng opisyal ng lokal na pamahalaan na magkaisa at magtulungan para sa ikabubuti ng mga mamamayang nasalanta ng kalamidad.
“Panawagan ko sa lahat ng mga opisyal sa lokal na pamahalaan na gamitin ang kapangyarihang tulungang maibsan ang paghihirap ng mga biktima ng kalamidad; sana gawing pagkakataon ang nangyaring kalamidad para isakatuparan at isabuhay ang mga ipinangako noong eleksyon,” ani Bishop Uy.
Apela ng obispo sa mga kumandidato sa 2022 National and Local Elections na huwag samantalahin ang sitwasyon para sa sariling interes at isantabi ang pulitika sa halip ay makipagtulungan sa pagllikha ng mga programang mapakikinabangan ng mamamayan.
Bukod dito hinimok ni Bishop Uy ang mga negosyante na huwag samantalahin ang pagkakataon na magtaas ng presyo ng mga bilihin kundi ipakita ang diwa ng kawanggawa, pagmamahal at pagkalinga sa kapwa.
Nanawagan din ang Obispo sa mga nakaluluwag sa buhay na maglaan ng panahon para tulungan ang pagbangon ng mga labis na napinsala bilang pagsasabuhay sa diwa ng pasko.
Sa huli hinimok ni Bishop Uy ang mananampalataya na pagnilayan ang karanasang dulot ng bagyong Odette at umaasang maging daan ito upang mas mapalapit sa Panginoon.
“Ang nagdaang bagyo [Odette] ay maging paraan nawa para manumbalik tayo sa Diyos at nawa’y ang bawat isa ay magiging mabuting tao na kasapi ng Kristiyanong pamayanan,” giit ni Bishop Uy.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council halos isang milyong indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao.