190 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang ensiklikal tungkol sa pag-ibig sa pamilya na Amoris Laetitia, may ganitong paalala si Pope Francis: Ang isang pamilyang bigóng igalang at pahalagahan ang kanilang mga lolo at lola, na silang mga buháy na alaala nila, ay isang nanghihinang pamilya. Ang pamilyang inaalala ang kanilang mga nakatatatanda ay isang pamilyang may hinaharap.
At hindi lamang sa mga pamilya may epekto ang pagpapabaya sa mga lolo at lola. Sabi pa ni Pope Francis, mistulang nahawahan ng virus ang isang lipunang walang puwang para sa mga nakatatanda at isinasantabi sila dahil sa paniniwalang nagdudulot sila ng problema. Isa itong lipunang putol ang mga ugat.
Dito sa Pilipinas, lagi nating sinasabing napakahalaga para sa atin ng pamilya at makikita ito sa pag-aalaga natin sa mga matatanda. Kung sa ibang bansa ang mga matatanda ay dinadala sa mga nursing homes, kasa-kasama nating mga Pilipino ang ating mga lolo at lola sa ating tahanan. Kung mawalay man tayo sa kanila, tinitiyak nating binibisita natin sila sa mga mahahalagang okasyon. Marami rin sa atin siguro ang lumaki sa ating mga lolo at lola dahil sila ang nag-alaga sa atin habang nagtatrabaho ang ating mga magulang. Ito ang madalas nating ipintang larawan ng isang pamilyang Pilipino.
Ngunit hindi natin maikakailang kasabay ng pag-iiba ng panahon, nag-iba na rin ang turing ng marami sa ating mga lolo at lola. Narito ang ilang indikasyon.
Sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank (o ADB) na ginawa noong 2019 at isinapubliko noong Pebrero ngayong taon, 6 sa 10 matatandang Pilipino (o 62%) ang nakatatanggap ng pinansyal na suporta sa kanilang mga anak. Malaking pagbaba ito mula sa 85% noong 2007. Ang ganitong sitwasyon, dagdag pa ng ulat, ay mas matindi ang epekto sa matatandang babae kaysa sa mga matatandang lalaki dahil mas karaniwang umaasa ang mga lola sa kanilang mga anak upang alagaan sila kapag sila ay magkasakit, habang ang mga lolo naman ay umaasa sa kanilang mga asawa. Kailangan nating seryosohin ang kalagayan ng mga nakatatanda lalo na’t, ayon pa sa ADB, ang Pilipinas ay isang “ageing society” o isang bansa kung saan malaking bahagdan ng populasyon ang binubuo ng mga lolo at lola. Pagsapit daw ng 2030, 10% ng ating populasyon ay senior citizens.
Napakahalagang pagtuunan ng pansin ang kalagayan ng ating mga lolo at lola dahil, dala na rin ng kanilang katandaan, lantad sila sa maraming karamdaman. Mabuti na lamang at naipasá na ang Universal Health Care Law na makatutulong upang mabawasan ang gastusin ng mga pamilyang nag-aaruga sa kanilang mga matatandang may sakit. Gayunman, maliban sa pagtiyak na sapat ang pondong inilalaan ng pamahalaan para sa mga nangangailangan ng tulong-medikal, kailangan ding pagtuunan ng pansin ang pagtulong sa mga matatandang iwasan ang pagkakasakit. Inaasahan nating magiging mahirap ito lalo na’t nagpapatuloy ang COVID-19 at ang matatanda ang pinakamadaling kapitan ng sakit na ito.
Samakatuwid, ang pangangalaga sa mga matatanda ay hindi lamang dapat na tungkulin ng mga pamilya. Tungkulin din ito ng lipunang kanilang binuo at pinatatag noong malalakas pa sila. Sabi nga ni Pope Francis, ang mga lolo’t lola natin ang paalalang malaking biyaya ang katandaan. Ganoon na lamang ang pagpapahalaga ng ating Santo Papa sa mga nakatatandang katulad niya kaya itinalaga niya ang ikaapat na Linggo ng Hulyo bilang “World Day for Grandparents and the Elderly”. Ginunita natin ito kahapon.
Mga Kapanalig, ang mga salita mula sa Mga Awit 71:9 ay isang panawagan hindi lamang sa mga kapamilya ng ating mga lolo at lola, kundi sa ating lahat: “ Ngayong ako’y matanda na huwag mo akong pabayaan, katawan ko’y mahina na kaya ako’y huwag iiwan.”