522 total views
Nananatiling pagsubok sa mga Lumad o katutubo ng Cagayan de Oro-Butuan-Surigao-Tandag-Malaybay (CaBusTaM) ang pakikipaglaban para sa kanilang mga ninunong lupain mula sa epekto ng komersiyalismo.
Ayon kay Fr. Jong Sabuga, Indigenous Peoples Apostolate in-charge ng Arkidiyosesis ng Cagayan de Oro na nararanasan ngayon ng mga katutubo mula sa mga nabanggit na diyosesis ang epekto ng Build Build Build program ng pamahalaan na nakakahikayat sa pagpasok ng mga negosyo at mga malalaking kumpanya.
Batid ni Fr. Sabuga na bagamat malaki ang maitutulong nito sa pag-unlad, nagiging sanhi naman ito ng iba’t ibang suliranin sa kalikasan at kaligtasan ng mga katutubo.
“That gives a challenge in the culture and the community. That’s the major thing that is happening in CaBuSTaM aside from small mining industry and continuing of illegal logging, like having roads and they cut trees,” pahayag ni Fr. Sabuga sa panayam ng Radio Veritas.
Matagal nang nanganganib ang buhay ng mga Lumad dahil sa pagpasok ng komersyalismo kung saan sapilitan silang pinapaalis sa kanilang mga ninunong lupain upang maging lugar ng iba’t ibang malalaki at mapaminsalang proyekto.
Samantala, nagpapasalamat naman si Fr. Sabuga sa pagkakataong makabahagi sa 40th National Social Action General Assembly (NASAGA) ng NASSA/Caritas Philippines sa General Santos City, South Cotabato dahil dito’y kanilang naipapabatid ang mga suliranin ng iba’t ibang diyosesis na kailangang matugunan.
“That’s why we’re so grateful for them to know about the issues in our area and we continue to pray and to be solid as church members,” saad ng pari.
Ang NASAGA ay isinasagawa tuwing ikalawang taon na dinadaluhan ng iba’t ibang diocesan social action directors at workers upang talakayin ang pagpapaigting sa mga programang makakatulong sa mga mahihirap at iba pang sektor ng lipunan.