203 total views
Maliban sa bigas, malaki pa rin ang pangangailangan ng mga magsasaka na naapektuhan ng matinding tagtuyot na nabiktima rin ng sinasabing marahas na dispersal ng mga awtoridad sa Kidapawan North, Cotabato.
Ayon kay United Methodist Church bishop Ciriaco Francisco, nangangailangan din ng mga gamot ang mga magsasaka dahil sila ay nagkakasakit bunsod ng init.
Maliban pa dito, nangangailangan din ng ‘psychosocial intervention’ ang mga magsasaka dahil sa trauma na kanilang sinapit sa madugong dispersal.
“Nag-o-offer kami sa mga magsasaka, handa kaming tumulong para makipag-usap sila sa kinauukulan kung sila ay nakahanda, yung bigas na dumarating di sapat, dahil gusto ng mga lider pag-uwi ng tao at least merun sila isa o dalawang kabang bigas, mga gamot need din dahil sa nagkakasaikt sa init…psychosocial intervention dahil traumatic sa mga magsasaka ang kanilang nararanasan.” Pahayag ni bishop Francisco sa panayam ng Radyo Veritas.
Ayon sa obispo, nasa 1,000 pang magsasaka ang nasa labas ng gate ng Methodist Center habang 300 naman ang nasa loob nito sa kasalukuyan matapos na mag-uwian na ang mga ito.
Kinuwestiyon naman ni Bishop Francisco ang paglalagi ng mga pulis sa labas ng gate ng kanilang center sa pagsasabing wala silang karapatan na pagbawalan kung sino ang nais nilang papasukin at palabasin sa gate lalo na ito ay private religious property.
“Yan ang di namin gusto, Ito ay pribadong religious property pero nasa gate sila, ngayong umaga, kakausapin namingsila, bakit naka block sila sa gate namin, wala silang karapatan na harangin nila ang mga papasok at lalabas dito.|” ayon pa sa obispo.
Samantala, inihayag ni Bishop Francisco na binuwag ng sapilitan ng mga pulis ang hanay ng mga magsasaka na nag blockade sa pangunahing lansangan sa Kidapawan City North Cotabato base sa natanggap niyang ulat kayat nagkaroon ng madugong dispersal.