226 total views
Hinikayat ng Philippine Medical Association ang mga magulang na pabakunahan laban sa coronavirus disease ang mga batang nasa edad lima hanggang 11 taong gulang.
Ayon kay Dr. Beny Atienza, pangulo ng PMA, tulad ng mga senior citizens at mayroong comorbidities, ang mga bata ay mahina pa ang immune system at mabilis na makapitan ng anumang sakit tulad ng COVID-19.
“Dapat mabakunahan na ang mga bata lalo na po yung 5-11 years old. Ang mga bata kasi ay vulnerable lalo na ‘yung may mga sakit, mayroong comorbidity tsaka immunocompromised ay dapat mabakunahan na,” pahayag ni Atienza sa panayam sa Veritas Pilipinas.
Paalala ng eksperto na bago bakunahan ang mga bata, dapat muna itong magpakonsulta sa doktor upang malaman kung mayroon itong kasalukuyang karamdaman at mabigyan ng pahintulot na maaari nang makatanggap ang bata ng bakuna kontra-virus.
“Ang napaka-importante lang po dito, dapat po alam natin lalo na po ‘yung may mga comorbidity na bata na dapat may authorization at consent mula sa mga doktor nila upang payagan nang magpabakuna,” ayon kay Atienza.
Samantala, ilan pa sa requirements para sa vaccination ng mga bata batay sa panuntunan ng Department of Health ay dapat mayroong kasamang magulang o guardian ang batang magpapabakuna; katunayan ng relasyon sa magulang o guardian (e.g. birth certificate); Valid ID ng bata at kasamang magulang o guardian; medical certificate, kung mayroong comorbidities; face mask at face shield; mga kagamitang panulat; at alcohol, pamaypay, at inuming tubig.
Dagdag pa rito na kung sakaling walang maipakitang valid ID ang bata, ang mga barangay captain ang maaaring gawing katunayan sa pagkakakilanlan ng bata.
Sisimulan ng pamahalaan ang pamamahagi ng bakuna sa 14 na milyong mga batang may edad lima hanggang 11 ngayong Biyernes, February 4, 2022.
Isasagawa ang vaccination roll out sa Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital, Manila Zoo, SM North Edsa – Skydome, at Fil Oil Gym sa San Juan City.
Ang Pfizer vaccine ang nakalaang bakuna sa mga bata kung saan mababang dosage at concentration lamang ang ibibigay kumpara sa mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang.