388 total views
Pinarangalan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church ang mga manggagawa sa nalalapit na pagdiriwang ng Labor Day.
Namahagi ng tulong ang basilica sa mga construction workers ng Skyway Stage 3 na nakahimpil sa Pandacan Manila. Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church ito ay pagkilala sa mga manggagawa na patuloy sa paghahanapbuhay at pagtaguyod ng kanilang pamilya sa gitna ng matinding banta ng coronavirus sa lipunan.
“Ito ay bilang pasasalamat at pagpupugay sa mga manggagawa, construction workers at bilang bahagi ng pagdiriwang ng kapistahan ni San Jose Manggagawa,” pahayag ni Fr. Badong sa Radio Veritas.
500 manggagawa ang nakatanggap ng tulong tulad ng bigas, groceries, itlog, kagamitang pangkalusugan, tubig at iba pa. Pinamunuan ni Msgr. Hernando Coronel, rector at parish priest ng Quiapo Church kasama ang ang mga lingkod ng basilica ang pamamahagi ng tulong sa mga construction workers.
Una nang hiniling ni Cebu Archbishop Jose Palma na bigyang pagkilala ang mga kasapi ng pamilya na patuloy sa paghahanapbuhay sa gitna ng krisis na naranasan lalo’t halos nasa limang milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya ayon sa Department of Labor and Employment.
Iginiit naman sa ensiklikal na Laborem Exercens ni Saint John Paul II na dapat tulungan ng simbahan ang sektor ng manggagawa na itaguyod ang kanilang mga karapatan at bigyang dignidad sa lipunan.