232 total views
Mga Kapanalig, nabalitaan ba ninyo ang strike na isinagawa ng mga delivery riders, sorters, at truck drivers ng courier company na J&T? Noong isang linggo, gumawa ng ingay sa social media ang #StandWithJTWorkers kasunod ng mga protestang isinasagawa ng mga manggagawa ng kumpanya dahil sa mga paglabag ‘di umano nito sa kanilang mga karapatan bilang mga manggagawa.
Kabilang ang mga manggagawang ito sa tinatawag na “gig economy” na naging popular nang mag-umpisa ang pandemya. Ang gig economy ay tumutukoy sa mga trabahong gumagamit ng digital o online platforms para sa kanilang operasyon. Nakabase ang ekonomiyang ito sa paggamit ng teknolohiya katulad ng web-based programs at location-based apps. Maliban sa mga couriers katulad ng J&T, maaari ding maituring na kabilang sa gig economy ang mga freelancers na virtual assistants, social media managers, at ride-sharing drivers.
Sa pagsasara ng mga malls, opisina at iba’t ibang pampublikong lugar dahil sa COVID-19, lumobo ang gig economy sa buong mundo. Ayon sa International Labor Organization (o ILO), mayroong 777 digital labor platforms sa buong mundo mula sa pagdidisenyo ng mga websites hanggang sa mga food delivery services. Higit limang beses itong dumami mula sa 140 na platform isang dekada lamang ang nakararaan. Pinahihintulutan kasi ng ekonomiyang ito ang door-to-door na pagdadala ng mga produkto at serbisyo gayundin ang mga trabaho sa loob mismo ng mga tahanan.
Sa kabila ng benepisyong dala ng gig economy sa mga tao, maraming isyu ang kinakaharap ng mga manggagawa sa ekonomiyang ito. Halimbawa na ang kaso ng J&T kung saan inirereklamo ng mga manggagawa ang kulang nilang overtime pay at health benefits. Hindi rin daw itinataas ang kanilang gas allowances sa gitna ng paglobo ng presyo ng gasolina ngayon, at ipinasasagot pa sa kanila ang mga nasisirang packages. Tinanggal din ang presidente ng United Rank and File Employees of J&T Express, ang unyon ng mga manggagawa ng J&T. Nagsampa na ng kasong “unfair labor practices” ang unyon laban sa pamunuan ng J&T.
Hindi ito ang unang pagkakataong nagkaroon ng isyu sa gig economy dito sa bansa. Noong Hulyo 2021, mayroon ding mga food delivery riders na nag-protesta dahil naman sa mababang sahod na kanilang natatanggap. Nagkaroon ng debate kung freelancer o may employer-employee relationship ba ang mga riders sa kumpanya upang maging mas malinaw ang mga benepisyong dapat natatanggap ng mga riders at iba pang responsibilidad ng kumpanya sa kanila. Naglabas ang Department of Labor and Employment (o DOLE) ng labor advisory ukol dito, ngunit hindi pa rin malinaw kung mayroong bang employer-employee relationship ang kumpanya at ang mga riders. Nagbigay lamang ang DOLE ng mga tests na kinakailangan pang daanan ng mga kumpanya at manggagawa para matukoy ang ugnayan nila. Labis na ikinadismiya ito ng mga manggagawa.
Ang karapatan ng mga manggagawa ay nakabatay sa kanilang dignidad bilang nilikha ng Diyos. Mahalaga ang paggawa upang mapaunlad ng tao ang kanyang dignidad mula sa pagtugon sa kanyang mga pangangailangan hanggang sa pag-aambag sa kaunlaran ng lipunan at pagpapahusay ng kanyang mga kakayahan. At mahalaga ang papel ng pamahalaan upang masigurong nakakamit ng mga manggagawa ang kanilang mga karapatan.
Mga Kapanalig, ang kawalan ng proteksyon ng mga manggagawa sa gig economy ay nagpapakitang kailangang sabayan ng pamahalaan, sa pamamagitan ng mga batas at patakaran, ang mabilis na pababago ng mundo at teknolohiya. Kinakailangan ang mga agarang aksyon upang masigurong walang mangagawang naisasantabi. Paalala nga sa Santiago 5:4: “Pakinggan ninyo ang sigaw laban sa inyo ng mga sahod na gumagapas sa inyong bukirin dahil hindi ninyo ito ibinigay sa mga manggagawa. Umaabot na ang mga hinaing nila sa pandinig ng Diyos.” Bantayan at isulong natin ang karapatan ng mga manggagawa.