440 total views
Ang mga mangingisda ay isa sa mga pinakamahirap na sektor sa ating bayan. Sila ay poorest of the poor. Nasa 26.2% ang poverty incidence sa kanilang hanay. Napaka-ironic kapanalig, na ang maliit na mga mangingisda sa Pilipinas ay nagpapakain sa maraming mga komunidad sa bansa at malaki ang na-a-ambag sa ekonomiya ng bayan. Pero, sila ang gutom. Sila ang salat.
Ang daming hamon sa kanilang sektor. Unang-una, ang mga maliit na mangingisda ay laging namemeligro ang buhay. Pumapalaot sila gamit ang mga maliliit na bangka, umaasa na marami ang maani sa karagatan. Ngunit dahil sa mga hamon gaya ng climate change, overfishing, pati na polusyon, paunti na ng paunti ang kanilang mga nahuhuli.
Kompetisyon din nila ang mga naglalakihang fishing vessels. Nag-uunahan sila sa lumiliit na ani mula sa karagatan. At syempre dahil maliit lamang ang bangka ng ating mga maralita o artisanal na mangingisda, sila ang dehado.
Ang mga hamon na ito ay hindi lamang nagdudulot ng mga panganib sa hanapbuhay ng mga mangingisda. Hindi lamang ito nagpapaliit ng kanilang mga kita. Malaki rin ang epekto nito sa mga komunidad na nakasalalay sa kanilang mga hanapbuhay. Upang masugpo ang mga hamong ito, ang gobyerno ay dapat maglaan ng mga programa at proyekto upang suportahan ang maliit na mga mangingisda sa Pilipinas.
Isa sa mga programang ito ay ang pagpapalakas ng mga kooperatiba sa kanilang hanay. Makakapagbigay ito ng mga oportunidad sa kanila upang mas magkaisa at magkaroon ng mas malakas na boses sa kanilang sektor. Ang pagkakaroon ng mga kooperatiba ay nagbibigay ng mga benepisyo sa mga mangingisda, tulad ng pag-access sa mga pamamaraan ng pangingisda na hindi nakakasira sa kalikasan at pag-access sa mga merkado para sa kanilang mga produkto.
Isama din natin ang mga mangingisda sa modernisasyon. Dapat din maglaan ng mga programa na nagbibigay sa kanila ng kasanayan sa paggamit ng mga teknolohiya, tulad ng mga satellite images at iba pang mga teknolohiya sa pananaliksik. Sa ganitong paraan, sila ay magkakaroon ng mas malawak na kaalaman tungkol sa kalagayan ng dagat at maaaring magplano ng mga estratehiya upang mapanatili ang kanilang hanapbuhay.
Ang mga maliit na mangingisda sa Pilipinas ay may mahalagang papel sa sa ating bayan at ekonomiya. Malaki ang bahagi nila sa food security ng bayan. Ayon nga sa Laudato Si: Our world has a grave social debt to the poor. Upang masiguro na sila ay patuloy na makapagbibigay ng kanilang mga serbisyo, mahalaga na maglaan ng mga programa at proyekto upang suportahan ang kanilang hanapbuhay at matugunan ang mga suliranin na may kaugnayan sa pangingisda. Ang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan ay ayon sa prinsipyo ng pagtatangi sa maralita o preferential option for the poor.
Sumainyo ang Katotohanan.