637 total views
Mga Kapanalig, anu-ano ang nakakaagaw ng iyong atensyon?
Para kay Pangulong Duterte, madaling makapukaw ng kanyang paningin ang mga babaeng nakasuot ng palda o bestidang hanggang tuhod o mas mataas pa ang haba. Ito ang kanyang inamin noong nakaraang linggo sa kanyang talumpati sa paggunita sa ikatlong taóng anibersaryo ng pananalasa ng Bagyong Yolanda. Walang iba kundi si Vice President Leni Robredo ang sinabi niyang madalas niyang sipatin ang suot sa tuwing mayroong pagpupulong ang kanyang gabinete. Sa harap ng maraming tao, ikinuwento niyang minsan niyang hinimok ang isang miyembro ng gabinete na masdan ang binti at tuhod ng ikalawang pangulo.
Umalma ang ilang grupo ng kababaihan sa pagbibirong ito ng pinakamakapangyarihang lalaki sa ating bansa. Para sa kanila at gaya ng marami na niyang nasambit noon, lantaran itong pambabastos sa mga babae, isang indikasyon ng mababang pagtingin ng marami sa atin sa kababaihan. Bagamat sinakyan ni VP Leni ang biro ng pangulo, kinabukasan ay naglabas siya ng pahayag. Aniya, walang puwang sa ating lipunan ang mga pangungusap at gawaing ibinababa ang halaga ng kababaihan. Ang ating mga pinuno, higit sa sinuman, ang dapat na manguna sa pagtiyak na ang mga babae ay kinikilala sa kanilang pagiging tao, at hindi mga bagay na minamasdan upang pagnasaan. Anumang pasaring at pahiwatig ng pambabastos sa isang babae ay dapat ituring na paglabag sa kanyang dignidad.
Upang maiangat ang pagturing at pagkilala ng ating lipunan sa dignidad at mga karapatan ng kababaihan at upang bigyan sila ng proteksyon laban sa pananamantala at pang-aabuso (kahit sa pamamagitan lamang ng mga salita), isinabatas noong 2009 ang Republic Act 9710 o ang Magna Carta of Women. Malaking hakbang ito upang sugpuin ang diskriminasyong araw-araw na nararanasan ng kababaihan. Ngunit gaya ng maraming batas sa Pilipinas, malaking hamon pa rin ang pagtiyak na epektibong naipatutupad ng Magna Carta of Women. Lalo pang mas malaking hamon ito kung ang mga lider natin mismo ang hindi tumatalima sa nasabing batas.
Mga Kapanalig, hindi lamang batas ng tao ang nagwawaksi sa diskriminasyon at pang-aabuso sa kababaihan. Mariin ding kinukundena ng Santa Iglesia ang mga gawaing inilalagay ang mga babae sa mas mababang antas sa lipunan. Pinagtibay noong 1991 ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas o Second Plenary Council of the Philippines o PCP-II ang pagsusulong ng dignidad ng kababaihan. Kinilala nito ang malaking bahagi nila sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos hindi lamang sa loob ng kanilang tahanan kundi maging sa iba’t ibang larangan kung saan nag-aambag sila ng kanilang husay, talino, at kakayahan para sa kaunlaran ng lipunan.
Sa Catholic Social Teaching naman na Mulieris Dignitatem ni Saint John Paul II, binibigyang-diin ang pagkakapantay ng babae at lalaki bilang kapwa nilikha na kawangis ng Diyos. Wala sa kanilang nakaaangat o itinatangi. Magkatuwang sila sa lahat ng bagay at kapwa tinatawag na palakasin ang isa’t isa. Hindi magkatunggali ang mga babae at lalaki. Sila ay magkaagapay sa mundong ito.
Mga Kapanalig, lahat tayo ay may utang na loob sa isang babae—ang ating mga ina. Dinala nila tayo sa kanilang sinapupunan, iniluwal sa mundo, at ginabayan sa ating pagtanda hanggang sa abot sa kanilang makakaya. Mayroon din tayong mga kapatid, kaanak, kaibigan, at katrabahong babae na sinasamahan tayo sa ating paglalakbay sa buhay. Maaatim ba nating ituring sila ng ibang tao bilang mga katatawanan at pampalipas oras lamang?
Sa isang lipunang pagpapakatao at, higit sa lahat, pag-ibig ang dapat na nangingibabaw, walang katanggap-tanggap na katwiran upang ibatay ang halaga ng ating kapwa sa kanyang kasarian. Kung tayo ay may mga matang may paggalang sa iba, mga matang may kakayahang tingnan ang kapwa nang higit sa kanilang pisikal na anyo at kasarian, nagagawa nating tularan ang ating Panginoong Hesus.
Sumainyo ang katotohanan.