472 total views
Iba’t ibang kuwento ng pagsubok at pakikipagsapalaran ang nangingibabaw sa pagtitipon ng mga Overseas Filipino Workers (OFW), Seafarers, Katutubo at mga Migrante sa Caritas Manila bilang pakikiisa sa Worldwide Migrants Campaign ni Pope Francis na ‘‘Share the Journey.”
Kaugnay nito ay isa-isang ibinahagi ng mga migrante ang kanilang karanasan partikular na ang mga sulirinan na kanilang kinaharap habang naghahanap-buhay at naninirahan sa ibayong dagat.
Ayon kay Lorna Dante na dalawang taong naging katulong sa mga bansang Thailand at Vietnam, hindi madali ang mabuhay sa isang lugar na libu-libong milya ang layo sa Pilipinas.
“Kapag nagkakasakit ako s’yempre kailangan kong magtrabaho para talagang matustusan ko ang pamilya ko kahit may sakit ako. Pinipilit ko pa ring magtrabaho kahit hindi na kaya ng katawan ko. Sa mga nais mag-abroad, maging matatag lang kayo,” kuwento ng OFW.
Para naman kay 2nd Engineer Ray Mervin Umbania, isang Seafarer, ang hindi makilala ng kanyang sariling anak matapos magtrabaho ng mahabang panahon sa barko ang pinakamasakit na pangyayari na kanyang naranasan.
“Dumating ako ng bahay, ‘yung anak kong babae natakot at umiyak dahil s’yempre 9 months ka ba namang mawala at maliit pa s’ya no’n kaya hindi ka makilala talaga. Napakasakit para sa akin. Pero after two weeks pilit kong nilapit ang sarili ko, sa awa ng Diyos nakuha ko yung loob ng anak ko,” pagbabahagi ni Umbania.
Samantala, upang makayanan ang ‘home sickness’ at ‘culture shock’, pinayuhan ni Engr. John Agarry, isang Nigerian National na mahigit sampung taon nang naninirahan sa Pilipinas, ang mga kapwa-migrante na maging bukas sa pagtanggap ng kultura at kaugalian ng mga tao sa bansang paroroonan.
“My message to other migrants, the first thing you need to do is remove whatever you have in your mind and your brain. You are going to a different country, learn about the culture. When you are able to learn about the culture, you are able to integrate yourself to the locals and from there you are able to value the host country,” ani Agarry.
Kasabay ng pagmulat sa publiko sa kasalukuyang kalagayan ng mga Migrante at Refugees, layunin ng two-year Share the Journey campaign ng Caritas Intertionalis na itaguyod ang ‘culture of encounter’ sa pagitan ng mga bansa at mga taong naghahanap ng kanlungan upang muling makapagsimula ng bagong buhay.