160 total views
Inilaan ng Diocese ng Borongan ang lahat ng misa sa ika-8 ng Nobyembre para sa mga pumanaw na biktima ng super typhoon Yolanda.
Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez, ito ay paggunita sa ikaapat na taon nang pananalasa ng malakas na bagyo sa lalawigan kung saan libu-libo ang nasawi at napinsala.
Bukod sa mga namayapa, kabilang din sa intensyon ng misa ang pasasalamat sa lahat ng mga tumulong sa pagbangon ng Yolanda survivors at patuloy na panalangin para sa kaligtasan ng bansa laban sa anumang uri ng kalamidad.
“All our masses on November 8 are for the intentions: For all who died during the typhoon; gratitude for all who helped us and the level of recovery we have and prayers for protection and safety from any form of calamity,” ayon kay Bishop Varquez.
November 8, 2013 nang manalasa ang bagyong Yolanda na unang tumama sa kalupaan ng Guian Eastern Samar.
Kabilang din sa labis na napinsala ang Immaculate Concepcion church –ang 16th century church na kabilang sa 32 parokya sa ilalim ng diyosesis.
Sa Eastern Samar, may 300 katao ang naitalang nasawi mula sa kabuuang 6,300 namatay dulot ng bagyong Yolanda na ang malaking bahagi ay mula sa Tacloban City.
Una na ring dumalaw sa Pilipinas noong 2015 si Pope Francis para makiisa sa naging karanasan ng bansa mula sa pinasala ng bagyo at magdala ng pag-asa at tiyakin sa mga Filipino ang pag-ibig ng Panginoon sa kabila nang pagdurusa.