235 total views
Tiyak na lalaki pa ang bilang ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa bansa habang tumatagal sa posisyon ang administrasyong Duterte.
Sa panayam ng programang Veritasan, ayon kay Senador Antonio Trillanes lV, ito ang ipinangako ng Pangulong Rodrigo Duterte noong nangangampanya pa na papatay ng mahigit 100,000 tao sa kanyang kampanya laban sa operasyon ng iligal na droga.
Nalulungkot ang senador dahil sa kabila ng malalang sitwasyon ng EJK bansa, tila normal na lamang ito sa mga Filipino sa halip na sila ay mag-alala o mangilabot.
“Ang extrajudicial killings, Ito ay ipinangako ni Pangulong Diterte nung nangangampanya pa lamang siya, sabi niya papataya siya ng 100, 000 Filipno sa kanyang war against drugs, nang maupo siya hanggang ngayon almost 6,000 na ang namatay, aside dun kay Mayor Espinosa, may mga ganyang ng pangyayari so talagang pinapatay nila ang mga Filipino, yan po ang nakakalungkot kc parang tinatanggap na rin ng ating mga kababayan na ito ay normal sa halip ay dapat tayong kilabutan dito.” Pahayag ni senador Trillanes.
Dagdag ng senador, nawawala na ang puso at kaluluwa ng mga taong nagsasabi na tama lamang ang uri ng kampanya ng administrasyon sa droga sa pamamagitan ng pagpatay.
Naniniwala si Trillanes na sa halip kitilin ang buhay ng isang suspek, dapat lamang itong arestuhin dahil maari siyang magamit para makahuli ng mas marami pang drug suspects maging ng mga drug lord.
“Yung mga nagsasabi ng ganyan kung totoong tao yan (social media), nawawala na ang puso at kaluluwa nila, ang sa akin dapat kontrahin natin kahit kakaunti lang tayo ipamulat natin sa tao na mali yan. Hindi natin kinokontra ang kampanya kontrta illegal drugs, maliwanag yan pero sa akin dapat hulihin ng mga pulis kasi pwede pa sila makausap at ituro nila saan sila kumukuha ng supply, marami kang malalaman, ngayon ang pinapatay ang dug users, kahit patayin mo yan mayroong bagong sisibol kais karamihan diyan mga brought about difficulties sa buhay, may stress, nasawi sa pagibig, na depressed kaya kahit patayin mo sila may roong mga bagong lalabas, at yung mag pushers na malilit pag piñatay mo yan may makukuhang din pero yung mga drug lord untouchable pa rin sila.” Ayon pa sa senador.
Kaugnay nito, ayon kay Trillanes, hindi maganda ang epekto ng kampanyang ito sa ekonomiya ng bansa dahil sa marami na ang natatakot na mga negosyante na maglagak ng puhunan na magreresulta rin ng kawalan ng hanapbuhay ng mga Filipino.
“Hindi po maganda, sa larangan ng ekonomiya talagang maraming maghihirap, tataas ang bilihin, mawawalan ng trabaho, kasi yung investment coming from EU US nagsasara na yung iba nagpupullout yan ang nakikita nating mangyayari, yung mga patayan di hihinto yan at mas dadami pa ang mamamatay.” Ayon pa kay Trillanes.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), simula nang maluklok sa puwesto ang Pangulong Duterte hanggang nitong November 16, 2016, nasa 1,884 na ang napaslang sa lehitimong operasyon ng pulisya kontra droga habang nasa higit sa 3,000 na ang biktima ng EJK.
Una ng nanawagan ang mga obispo ng Simbahang Katolika na bigyan ng pagkakataon ang mga nagkasala na makapagbagong buhay sa halip na kitilin ang kanilang buhay.