238 total views
Kapanalig, saludo ang buong mundo sa mga frontliners, mga doktor, nurses, at iba pang essential workers na nanguna sa laban sa COVID-19 pandemic. Pero alam niyo ba na meron tayong frontliners na tila nakalimutan nating bigyang pugay? Sila ay ang mga maliliit na magsasaka na nagkandakuba na upang masiguro na patuloy ang sapat na suplay ng pagkain sa ating lipunan kahit na may pandemya.
Ayon sa World Economic Forum, ang small-scale farmers ay bumubuo ng 84% ng mga sakahan sa buong mundo, at sila ang nagsu-suplay ng ikatlo o 1/3 ng ating global food o pandaigdigang suplay ng pagkain. Ang masaklap kapanalig, silang nagsusuplay ng pagkain ang siya namang nakakaranas ng mas madalas na gutom.
Sa ating bansa, nakikita natin taon-taon na ang mga magsasaka ay lagi na lamang nasa top 3 ng mga pinakamahirap na sektor ng bayan. Ayon mismo sa opisyal na datos, nasa 31.6% ang poverty incidence sa hanay ng mga magsasaka. Kailan kaya natin tuluyang mawawaksi ang karukhaan sa ating mga magsasaka?
Nagbabago na ang panahon kapanalig, nagiging moderno na ang mundo. Sa mga pagbabagong ito, tila naiiwan natin ang mga magsasaka ng bayan. At sa ating pag-waglit sa kanilang kapakanan, mas dumadami naman ang mga banta sa kanilang kabuhayan.
Una na dito ay ang problem sa irigasyon, na napakahalagang salik ng pagsasaka. Patuloy na nasisira o nagde-deteriorate ang mga irrigation systems sa ating bayan, at hangang ngayon, hindi pa rin sapat ang tugon dito ng bayan.
Isa pang isyu na lalo pang nagpapahirap ng buhay ng mga magsasaka kapanalig ay ang banta ng climate change. Mas madalas na ang mga masisidhing tag-init na sumisira sa kanilang mga taniman, at sinusundan naman ito ng mga naglalakasang bagyo at nagta-taasang baha. Mas mahirap bumangon kapanalig dahil ang pananalasa ng mga extreme weather conditions ay kadalasan sunod-sunod na.
Problem rin kapanalig ang access sa mga merkado, lalo na para sa mga maliitang magsasaka. Ang kanilang mga ani ay hirap madala sa mga tindahan dahil kulang naman ang imprastraktura. Bago nila madala sa kalakalan, nabugbog na ang ani sa byahe.
Kapanalig, ang ating mga magsasaka ay frontliners din ng bayan, at ang kanilang alay sa lipunan ay para sa kabutihan natin lahat. Ang kanilang gawain ay hindi lamang trabaho, gaya ng ibang essential workers, ang kanilang ambag ay matuturing na rin na bokasyon.
Ayon sa Laudato Si- Our world has a grave social debt towards the poor. Marami tayong maaring gawin upang mapagaan, mapadali, at mas mapaabot sa nakakarami ang pagsasaka sa bayan. Unahin natin sa tunay at tutok na atensyon upang ating marinig ang mga sumamo ng mga nakatagong frontliners na ito.
Sumainyo ang Katotohanan.