159 total views
Personal na pinangunahan ni Diocese of Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos ang pagbisita at pagtingin sa kalagayan ng mga residenteng biktima ng sunog na naganap sa Sitio Depensa, Capunitan, Orion, Bataan na pansamantalang tumutuloy sa mga kalapit paaralan.
Ayon sa Obispo, higit na mahalaga sa mga ganitong pagkakataon ang pagkakaisa ng mga mamamayan upang mabigyan ng tulong at paggabay ang mga residenteng biktima ng naganap na sunog.
Hinimok rin ni Bishop Santos ang bawat isa na ipanalangin na matagpuan sa Panginoon ng mga residenteng nasaktan, nawalan ng tahanan at nakararamdam ng pangamba ang kapanatagan, katiwasayan at pag-asa upang muling makabangon matapos ang trahedya.
“Tragedy struck Sitio Depensa in Barangay Capunitan of the Town Orion. There was fire which left 1,018 families homeless. In this moment we have to unite, help one another and hold on to God. Don’t lose hope. There would be healing. And we can rise again.” Pagbabahagi ni Bishop Santos.
Ibinahagi rin ng Obispo ang pagtutulungan ng Simbahan at ng lokal na pamahalaan ng Orion Bataan sa pagbibigay ng tulong sa mga residente upang muling makapagsimula matapos na mawalan ng mga tahanan at mga ari-arian.
Inihayag ni Bishop Santos na mahalaga ang pagtutulungan ng iba’t-ibang sektor ng lipunan upang ganap na matulungan at matugunan ang pangangailangan ng mga residente.
“The Church and Municipality of Orion with mayor Antonio Raymundo are one, united for welfare and wellbeing of their people. Together we are strong. Together we could do better. Be with us to build up again their dreams.” Dagdag pa ni Bishop Ruperto Santos.
Batay sa tala, aabot sa 1,018 pamilya ang nawalan ng tahanan dahil sa naganap na sunog sa baybaying dagat ng Orion noong ika-29 ng Enero, 2019.