541 total views
Mga Kapanalig, ngayon po ay ang Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Malay o mas kilala natin bilang Niños Inocentes. Ito na marahil ang pinakamalungkot na yugto sa kuwento ng unang Pasko.
Ayon sa Ebanghelyo, ipinag-utos ni Haring Herodes ang pagpatay sa lahat ng batang lalaking dalawang taóng gulang pababa, bunsod na rin ng kanyang pangamba matapos marinig ang balita ng tatlong pantas na isinilang na ang Hari ng mga Hudyo, ang magliligtas at magtutubos sa mga inaaping lipi. At gaya nga ng nalalaman natin, binalaan ng anghel sina Jose at Maria, kaya’t nakaligtas si Hesus sa malawakang pagpapapatay na ito. Tumakas ang Banal na Pamilya patungong Ehipto. Hindi kasimpalad ni Hesus ang napakaraming batang biktima ng karahasang inilunsad ni Haring Herodes, at sila ang ating ginugunita sa araw na ito.
Dito sa ating bayan, maraming mga inosenteng batang katulad nila. Bagamat hindi sila sadyang ipinapapatay, kasama sila sa mga biktima ng marahas at madugong giyera kontra droga ng ating pamahalaan. Sa loob lamang ng anim na buwan, halos anim na libong katao na ang naitalang sadyang pinatay o kaya naman ay napatay sa mga engkuwentro sa pagitan ng mga pulis at ng kanilang mga tinugis; may mga batang kasama sa mga namatay dahil sa digmaang ito. Nakalulungkot na itinuturing sila ng pamahalaan bilang mga “collateral damage” lamang, mga taong hindi sinasadyang mapaslang, mga walang kamalay-malay, mga nadamay lamang.
Nariyan si Danica Mae Garcia, isang limang taong gulang na batang tinamaan ng balang para dapat sa kanyang lolong sinasabing sangkot sa pagtutulak ng iligal na droga. Ayon sa balita, ang suspek ay biglang pumasok sa karinderya ng kanyang lola at ilang beses pinaputukan ng baril ang kanyang lolo, ngunit si Danica ang tinamaan.
Ang apat na taong gulang naman na si Althea Fem Barbon ay napatay sa gitna ng operasyon ng mga pulis na hinuhuli ang kanyang tatay dahil sa kanyang pagbebenta umano ng masamang droga. Paliwanag ng mga pulis, hindi nila nakita si Althea habang isinasagawa ang kanilang operasyon.
Kamakailan lamang, si Emmanuel Lorica, labimpitong taong gulang na binata, ang binaril habang natutulog sa isang evacuation center kasama ang iba pang pamilyang biktima ng sunog sa Lungsod ng Pasig. Ayon sa mga nakasaksi sa pangyayari, matapos umanong barilin ang binata at tanggalin ang tuwalyang nakatakip sa mukha nito, nasambit ng pumatay na mali ang kanyang binaril. Iskolar at mabait na bata raw si Emmanuel ayon sa kanyang mga guro, kaibigan, at pamilya, ngunit idinidiin siya ngayon ng mga kinuukulan bilang “runner” umano ng mga nagtutulak ng iligal na droga.
Mga Kapanalig, tatlo lamang sina Danica, Althea, at Emmanuel sa mga batang walang malay na nabiktima ng kasalukuyang digmaan kontra droga. Marami pa sana ang silang magagawa, marami pa silang matutunan, at maaaring malayo pa ang kanilang mararating. Ngunit maaga itong ipinagkait sa kanila sa ngalan ng pagsugpo sa problema ng droga. Makailang ulit na sinabi ng pangulo na ang giyera kontra droga ay para sa kaligtasan ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino; ngunit paano na ang mga batang walang kinalaman sa droga ngunit lantad sa karahasan at kamatayan? Ilang bata pa ang kailangang madamay at mamatay para lamang masabing tagumpay ang giyerang ito ng ating pamahalaan?
Ipinagdadalamhati ng ating Simbahan ang mga kuwentong ito. Patuloy itong nananawagang sana’y tunay na pahalagahan ng mga kinauukalan ang buhay at dignidad ng tao—bata at matanda, may sala man o wala. Bilang mga mananampalataya, manindigan tayo, mga Kapanalig, para sa buhay at dignidad ng ating kapwa, para sa paggalang sa tamang proseso ng batas. Huwag nating hayaang lamunin tayo ng pagkamakasarili at mabulag sa karahasan gaya ni Herodes. Sa araw na ito, isama po natin sila sa ating mga panalangin ang mga niños inocentes ng ating panahon, gayundin ang mga Herodes sa ating paligid.
Sumainyo ang katotohanan.