303 total views
Umaasa ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas na magsalita at ihayag ng iba pang mga Obispo ng Simbahang Katolika ang kanilang posisyon at paninindigan sa mga nagaganap sa lipunan.
Ayon kay Dra. Maria Julieta Wasan, Pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na dapat na magkaroon ng hayagang paninindigan ang mga Obispo at Arsobispo mula sa iba’t ibang diyosesis at arkidiyosesis sa bansa.
Nangangamba si Wasan na ang pananahimik ng mga opisyal ng Simbahan ay maaring mangahulugan at ituring ng mga mananampalataya na pagsasawalang bahala o pagsang-ayon sa mga nagaganap at paghihirap ng mga mamamayan.
“Sana bawat Obispo ay magsalita na kasi yung kanilang pananahimik ay nangangahulugan ng pagwawalang bahala, sana ang bawat Obispo sa kani-kanilang mga Dioceses at Archdioceses ay magkaroon ng pagtitipon na ganito, pagtutol sa mga gawain ng ating Pangulo ipakita nila ng hayagan kasi nga katulad ng nasabi ko na ang pananahimik ay parang pagsang-ayon sa mga nagaganap…” pahayag ni Wasan sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit rin ni Wasan na kinakailangang ipamalas ng mga Laiko ang tapang at lakas ng loob sa paninindigan na makibahagi sa mga adbokasiya at misyon ng Simbahang Katolika lalo na sa gitna ng kinakaharap na pagsubok ng institusyon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Hinimok ni Wasan na kailangang aktibong kumilos ang mga Laiko katuwang ang Simbahan upang mabuksan ang kamalayan ng mga mamamayan sa patuloy na kaguluhan, karahasan at kasinungalingan sa lipunan.
“Ipakita natin yung pagtutol natin, lakasan natin yung loob natin lalo na ang mga laiko, kailangan maging matapang tayo kasi kung hindi natin ipapaalam at ipapakita yung nararamdaman natin sa ating mga kasama, sa Simbahan baka hindi sila kumilos kasi wala lang, hindi ito wala lang darating ang araw baka tayo yung maging biktima. Kaya preventive tayo kesa yung reactive lang, this is not a reaction, this is a preventive effort para sa lahat ng mga naging biktima, para mamulat ang mga mata ng bawat Filipino…” dagdag pahayag ni Wasan.
Ang pahayag ni Wasan ay kasunod ng mga naging kontrobersyal na pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa mga Pari, Obispo at sa mismong Simbahang Katolika.
Sa kabuuan ang Pilipinas ay may higit sa 140 mga obispo kabilang na ang mga retirado.
Kabilang ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa mga nagsilbing Convenors ng naganap na The Real Score: A National Conference on Upholding Life, Dignity and Justice in the Midst of Duterte’s ‘War on Drugs’ sa Colegio de San Juan de Letran.
Layunin ng pagtitipon na mapagsama-sama ang iba’t ibang sektor ng lipunan upang matalakay ang mga epektibong paraan na maaring gawin upang harapin at labanan ang lumalalang banta ng Tyranny o paniniil sa bansa.