9,458 total views
Sinisiguro ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na maayos ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers na nanatili sa Kuwait sa kabila nang nakaraang ban na ipinatupad ng pamahalaan.
Ayon kay Father Resty Ogsimer, Executive Secretary ng komisyon, personal niyang binibisita ang mga Filipinong nagtatrabaho sa Kuwait, simula pa noong unang araw ng Mayo na pagdating niya sa bansa at hanggang sa unang linggo ng Hunyo.
Sinabi ni Father Ogsimer na iginigiit ng mga OFW na maayos ang trato sa kanila at hindi nila nais mawalan ng trabaho at bumalik ng Pilipinas.
Dagdag pa ng pari, sa ikatlong pagkakataon na bumisita siya sa Kuwait, ay naobserbahan nitong karamihan lamang sa mga nagkakaroon ng masamang karanasan sa trabaho ay ang mga Filipino Domestic Helpers.
Pahayag ni Father Ogsimer sa Radyo Veritas.
Bukod dito, naobserbahan din ni Father Ogsimer na ang mga employer na edukado at nakapag-abroad ay karaniwang mas mabuti sa kanilang mga kasambahay kumpara sa ibang employer na makailang beses nang tinatakasan ng kanilang mga kasambahay.
“Yung observation dito, just like anywhere else. Ang mga employers na well educated, nakalabas ng ibang bansa, nakaranas manirahan sa ibang bansa, they’ll treat their employees well, ang kanilang domestic helpers tinatrato na parang kapamilya nila, they take care of him. Ang problematic areas, ang household na may problema, ito yung mga, they’re not qualified to hire a domestic helper, may pattern na tinatakasan sila ng kanilang ward, tinatakasan ng kanilang helper because hindi maganda ang trato.” Dagdag pa ng Pari.
Sa kabila nito, malaki ang inaasahan ni Father Ogsimer na magbabago ang pagtrato sa mga domestic helpers sa oras na maisapinal na ang Memorandum of Understanding ng Kuwait at ng Pilipinas.
Ayon sa Department of Labor and Employment, tinatayang 252,000 ang kabuuang bilang mga residing OFWs sa naturang bansa.