163 total views
Pinag-iingat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant people ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa nangyaring pagbobomba sa Baghdad.
Pinaalalahanan ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon ang mga OFW na maging mapagmatyag at mag-ingat sa mga matataong lugar lalo na sa mga may banta ng terorismo.
Kinondina rin ni Bishop Santos ang baluktot na ideolohiya ng mga Islamic State o ISIS na nasa likod ng naturang trahedya sa commercial district ng Baghdad na ikinasawi ng mahigit 200 katao.
“Kaya ang payo natin sa ating mga OFWs ay maging maingat, maging mapagmasid upang kung mayroong naka – ambang panganib at mga hindi kaaya – ayang mga lugar o tao na makikita at mababatid natin na suspet sa na gumagawa ng karahasan na ang kasamaan ay sila na mismo ang umiwas sa mga lugar na nagiging sakit ng mga tao na mayroong mali baluktot na ideyolohiya,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Nanawagan naman ang obispo sa mga mananampalataya na isama sa panalangin sa mga misa ang kaligtasan lalo na ng mga OFWs na nasa mga delikadong bansa.
“Palagi nating hingan ng panalangin ang ating mga kababayan dito ang ating mga mahal sa buhay upang ipanalangin ang kanilang kaligtasan ang kanilang kapakanan. At tayo ay palaging nananalangin sa kanila at yun ang palagi nating iniisip na palagi silang panatilihing ligtas ng Panginoong Diyos,” panawagan pa ng obispo sa Radyo Veritas.
Mula naman sa datos ng 2015 Global Terrorism Index umaabot na sa $52.9 na bilyong dolyar ang terrorism cost sa pandaigdigang ekonomiya.
Hindi pa kasama rito ang $114 na bilyong dolyar na ginastos ng mga bansa sa kanilang seguridad upang labanan ang terorismo.
Nauna na ring nagpa-abot na ng simpatya at pakikiramay ang Kanyang Kabanalan Francisco sa naganap na pag-atake sa Baghdad.