167 total views
Nararapat lamang na maparusahan ang mga opisyal ng bayan na sangkot at may kinalaman sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni Dante Jimenez – Founder at dating Chairman ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), kaugnay sa inaasahang paglalabas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng ikatlo at huling listahan ng mga personalidad na sangkot sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa.
Giit ni Jimenez, nararapat lamang ibunyag ang mga pangalang ito upang makasuhan at patawan ng karampatang parusa dahil sa hindi pagiging tapat sa kanilang tungkuling sinumpaan.
“Dapat lang talaga they have to be responsible, marami po dyan na dapat makasuhan na o kung hindi magresign nalang, either protector sila o talagang sila ay directly involve sa illegal drugs…”pahayag ni Jimenez sa panayam sa Radio Veritas.
Bukod dito, umaasa ang Volunteers Against Crime and Corruption na magpapatuloy ang hakbang ng pamahalaan laban sa kalakalan ng ilegal na droga sa bansa na isa sa mga pangunahing dahilan ng iba’t ibang krimen at karahasan sa lipunan.
Ayon kay Jimenez, dapat na mapanatili ng pamahalaan ang kasalukuyan nitong kampanya laban sa ilegal na drogra upang tuluyan ng mawakasan ang laganap na kalakalan at paggamit ng ilegal na droga na nagdudulot ng kriminalidad sa bansa.
Una nang inihayag ng Philippine National Police na bumaba ng 31-porsyento ang krimen sa bansa mula noong nakalipas na taon habang nabawasan naman ng 90-porsyento ang supply ng ilegal na droga sa bansa sa loob pa lamang ng dalawang buwan mula ng magsimula ang Oplan Double Barrel at Oplan Tokhang.
Nabatid na sa mahigit 150 pangalan sa listahan ni Pangulong Duterte na sinasabing sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga sa buong bansa, 54 sa mga ito ang mga halal na opisyal ng pamahalaan, sa bilang na ito, 32 ang kasalukuyang nakaluklok sa puwesto kung saan 23 ang mayor, 7 ang vice mayor, 1 ang district representative at 1-konsehal.
Una nang inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mula January 2015 hanggang January 2016 ay umabot sa 69 na mga halal na opisyal ng lokal na pamahalaan ang naaresto ng kanilang tanggapan dahil sa pagkakasangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
Batay sa panlipunang katuruan ng Simbahan Katolika ang isang mabuting lider ay nagpapaalipin, nagpapakumbaba at tunay na naglilingkod sa taumbayan at sa kanyang mga nasasakupan ng walang halong sariling interes sa kanyang panunungkulan.