3,240 total views
Kapanalig, ayon sa isang pag-aaral, hindi na COVID-19 ang pangunahing concern o problema ng maraming mga bansa ngayon. Pinalitan na ito ng inflation.
Ayon sa pag-aaral na may titulo na What Worries the World, tatlong buwan na noong Hunyo 2022 nangunguna ang inflation sa mga pinoproblema ng mga 37% ng mga bansang kasama sa survey na ito. Ang pag-aalala sa inflation ay sinusundan ng pag-aalala ukol sa kahirapan at di pagkakapantay-pantay sa lipunan, kawalan ng trabaho, krimen at karahasan, at korapsyon. Makikita sa resulta na ito na ekonomiya ang pangunahing focus ng maraming mga bansa ngayon sa buong mundo.
Sa ating bansa, makikita sa isang survey ng Pulse Asia na inflation rin ang pinaka-urgent na concern ng mga Filipino. Tinatayang anim sa sampung Filipino ay nais na harapin at kontrolin ng administrasyong Marcos Jr. ang inflation, na mabilis na umakyat ngayong buwan. Ayon din sa sa survey, mga 33% din ang nagnanais na unahin ng pamahalaan ang problema ng kahirapan at kawalan ng trabaho.
Kapanalig, malinaw ang hiyaw ng mga mamamayan sa loob at labas man ng bansa – ang mataas na inflation ay kailangang agarang harapin ng ating lipunan. Matapos ng COVID-19, ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ang pinakamalaking balakid sa pagbangon ng mga tao. Kababalik pa lang ng marami sa trabaho, at bumabawi pa lamang ang mga negosyo, pero heto, tumaas ang presyo ng mga kailangan natin upang maka-recover mula sa pandemya at maka-survive sa new normal.
Upang tugunan ang pagtaas ng inflation rate, maraming mga bansa, kasama na ang Pilipinas, ang nagtaas na ng interest rates. May mga ibang bansa, nagbawas na ng buwis sa langis at nagbigay na iba ibang uri ng subsidiya. Kaya lamang, mukhang hindi pa rin ito sapat. Base sa mga nabanggit na survey, problema pa rin ng maraming tao ang inflation.
Kapanalig, mahirap na problema ang kinakaharap ng bansa ngayon – at pahirap pa ng pahirap dahil patuloy na tumataas ang presyo ng bilihin. Tingnan na lamang natin ang presyo ng langis na halos linggo-linggo, tumataas. Nanalangin ang maraming Filipino na sana.. sana… may agarang aksyon ang bagong gobyerno. Hindi na kinakaya ng maraming Filipino ang sunod-sunod na dagok na dumarating sa kanilang buhay. Hindi pa tapos ang pandemya, sinasalubong na naman sila ng mas malaki pang problema. Paalala at hamon sa gobyerno ngayon ang mga katagang ito mula sa Mater et Magistra: As for the State, its whole raison d’être is the realization of the common good in the temporal order. It cannot, therefore, hold aloof from economic matters.
Sumainyo ang Katotohanan.