475 total views
Hinihikayat ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio ang lahat ng mga pari sa bansa na magkaroon ng maayos na ugnayan sa pagitan ng pulisya upang mapanatili at maisakatuparan ang hinahangad na kapayapaan para sa bansa.
Ayon kay Bishop Florencio, ang pagkakaroon ng maayos na ugnayan sa pagitan ng simbahan at pulisya ay makatutulong upang maayos na paglingkuran ang mamamayan at mananampalataya tungo sa mapayapa at maunlad na lipunan.
“Hinikayat namin ang mga pari to engage themselves with the police… At the same time ‘yung engagement ng mga pulis also with the Parish Priest. Kasi they are serving the same people, they are having the same desire which is peace and development and sustainability,” bahagi ng pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay ito sa nilagdaang Memorandum of Understanding ng “Ugnayan ng Simbahan at Pulisya” o USAP na layong magkaroon ng maayos na ugnayan at pagtutulungan ang simbahan at pulisya, gayundin ang pagpapahalaga at pagbibigay-pansin sa moral at espiritwal na kapasidad ng mga pulis.
Sinabi ni Philippine National Police chief Police General Guillermo Eleazar na ang pagiging maka-Diyos ang kanilang sandigan upang maisabuhay ang lahat ng mga aral mula sa Diyos na kanilang instrumento sa pagiging mabuting lingkod ng bayan.
“One of the core values of the PNP is “Makadiyos”, which manifests our strong will to communicate with God and live by his teachings and to actualize His wisdom in the everyday fulfillment of our job as police officers and public servants,” ayon kay General Eleazar.
Pinangunahan ni General Eleazar ang paglagda sa kasunduan kabilang si Cubao Bishop Honesto Ongtioco bilang kinatawan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, kasama ang Imam Council of the Philippines, National Council of Churches in the Philippines, at Philippine Council of Evangelical Churches.
Kasabay nito’y inilunsad rin ng PNP Chaplain Service ang e-Gabay program na naglalayong mabigyan ng psycho-spiritual needs ang mga kawani ng pulisya na nangangailangan ng makakausap hinggil sa mga suliranin sa buhay.