215 total views
Nararapat na masusing suriin ng Pamahalaan kung ano ang nag-udyok sa paglala ng pamamaslang sa Lipunan.
Ito ang tugon ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona ang National Chairman ng CBCP NASSA/Caritas Philippines sa usaping aarmasan ang mga Pari bilang proteksiyon sa sarili.
“Ganun kalala ang sitwasyon dumarating sa puntong pati yung mga hindi dapat mag-armas, nagdadala na rin sila, dapat i-focus sa what triggers the situation dahil ba break down of law, hindi na nareresolve ang sitwasyon,” pahayag ni Archbishop Tirona sa Radio Veritas.
Sinabi ng Arsobispo na dapat ding makinig ang pamahalaan sa mga usaping umiiral sa lipunan lalo na ang krimen.
Dahil dito, nanindigan ang Arsobispo na tutol ito sa panukalang aarmasan ang mga Pari dahil ang mga Pari ay tagapagpalaganap ng kapayapaan.
“Kung ang pari ngayon ay nagsisipag-aarmas grabe na ang sitwasyon di ba, biruin mo pati ang taong simbahan at siyempre kung that will justify the priest will carry arm I would say NO.” dagdag ng Obispo.
Naniniwala rin si Bishop Tirona na mahalaga ang pakikipagdayalogo upang pag-usapan ang mga suliranin ngunit dapat susundan ito ng tiyak na pagkilos upang tuluyang malutas ang anumang suliranin.
“Ang dialouge is hindi lang a matter of talking, dialouge is always in relation to action.” pahayag ni Archbishop Tirona.
Ang usaping pag-aarmas ng mga Pari ay kasunod ng sunod-sunod na insidente ng Pagpaslang at Pamamaril sa mga lingkod ng Simbahan kung saan 3 Pari ang nasawi sa loob ng anim na buwan habang isa ang sugatan at nakaligtas sa kamatayan.
Unang biktima ng pamamaslang si Rev. Fr. Marcelito Paez ng Jaen Nueva Ecija noong ika – 4 ng Disyembre ng nakalipas na taon, sumunod naman si Fr. Mark Anthony Ventura noong ika – 29 ng Abril at huling napaslang si Fr. Richmond Nilo na binaril sa altar ng Nuestra Seniora dela Nieve Chapel sa Mayamot Zaragosa noong ika – 10 Hunyo.
Habang nakaligtas naman si Fr. Rey Urmeneta na binaril ng riding in tandem noong ika – 6 ng Hunyo sa Calamba Laguna.
Samantala, tutol din si San Pablo Bishop Buenaventura Famadico sa nasabing panukala kahit ito ay para sa Seguridad ng kanilang buhay habang naglilingkod sa Simbahang Katolika.
Read : Proteksyon ng mamamayan, misyon ng PNP
Naninindigan din si CBCP Vice President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na ang pag-alay ng buhay ng isang Pari ay pagtupad sa kalookan ng Panginoon.
Read: Pag-alay ng Buhay, Pagtupad sa kaloob ng Diyos.