276 total views
Patuloy ang ginagawang paghahanda ng mga kinatawan ng iba’t-ibang Diyosesis sa Northern Luzon para sa posibleng pinsala ng bagyong Ompong.
Ayon kay Rev. Fr. Andy Semana, Social Action Director ng Archdiocese of Tuguegarao, mayroon na silang isinagawang pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para matiyak ang kaligtasan ng mga residente lalo na sa mga nasa coastal areas.
Batay sa pagtataya ni Fr. Semana nasa 13 Parokya sa 2 bikaryato ang Vicariate ng Sta. Ana at Vicariate ng Aparri ang mga pinaka-tinututukan nila sa ngayon.
“Within the Archdiocese of Tuguegarao ang Vicariate ng Sta Ana at Aparri ang mga maituturing na below sea level, sa ngayon wala pa tayong naka preposition na relief pero bukas naman ang ating simbahan para magsilbi na evacuation center,” pahayag ni Fr. Semana ng Arhcdiocese of Tuguegarao.
Paiwanag ng Pari ito ito rin ang mga labis na napinsala ng bagyong Lawin noong manalasa ito taong 2016.
Samantala, kakatapos lamang ng ginawang pagpupulong ng Social Action Center ng Diocese of Ilagan katuwang ang lokal na pamahalaan at iba pang mga kinatawan ng iba’t-ibang organisasyon sa lalawigan ng Isabela.
Sinabi ni Sr. Camille Marasigan, Social Action Coordinator ng Ilagan Diocese na patuloy ang kanilang ginagawang information dissemination at nagtalaga na sila ng mga tao na kikilos sa bawat parokya at bikaryato para sa isasagawang rapid assessment at mabilis na relief response matapos ang pananalasa ng bagyo.
“Nagkaroon na tayo ng information dissemination at nag-iikot tayo sa mga barangay. Madali tayo ngayon makakapag-update dahil sa binuo natin na team na per parish level at per vicariate level then meron din dito sa Diocese” pagbabahagi ni Sr. Marasigan
Sa Diocese of Laoag sa Ilocos Norte ay inihanda na ang pondo ng Alay Kapwa sa iba’t ibang Parokya para agarang magamit sakaling magsagawa sila ng relief operation.
Ayon kay Fr. Ronie Pillos, Social Action Director ng nasabing Diyosesis, bukas din ang kanilang mga parokya sakaling may mangailangan ng evacuation.
Magugunitang una ng nagpahayag ng pag-aalalala si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga lalawigan na maapektuhan ng bagyong Ompong kaya naman agad na nagpahayag ang Caritas Manila ng layunin na makatulong sa mga nasabing Diyosesis
Tinatayang nasa 31 probinsya ang makaranas ng epekto ng bagyong Ompong habang tinatahak ang direksyon pa kanluran.