43,255 total views
Mga Kapanalig, may kasabihan sa Ingles na “elect a clown, expect a circus.” Kapag bumoto raw tayo ng mga payaso, asahan nating magiging sirko ang gobyerno.
Pasintabi po sa mga ang hanapbuhay ay ang pagiging payaso. Ipinaaalala lamang ng kasabihang ito kung gaano kaseryoso ang paggiging lingkod-bayan. Ang pagsisilbi sa pamahalaan ay hindi biro-biro lamang. Hindi ito pang-aaliw lang sa tao, gaya ng ginagawa ng mga payaso.
Pero sa totoo lang, kung payaso man ang tingin ng ilan sa atin sa mga nakaupo ngayon, hindi nakakatawa ang kanilang mga ginagawa. Hindi sila nakakaaliw. Hindi sila nakakalibang.
Gawin nating halimbawa ang ating mga mambabatas.
Ang mga congressman at senador, bilang mga bumubuo sa lehislatura, na isa sa tatlong pangunahing sangay ng gobyerno, ay inaasahang tumutok sa paggawa ng mga batas. Trabaho nilang magpanukala ng mga patakaran, repasuhin ang mga ito, o amyendahan o ipawalambisa kung kailangan. Ang lehislatura din ang nagsusuri sa inihahaing badyet kada taon ng ehekutibo. Ipapasa nila ito bilang batas. Kasama rin sa kanilang tungkulin ang bantayan ang ginagawa ng iba pang sangay ng pamahalaan. Checks and balances ang tawag dito. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pag-abuso sa kapangyarihan ng pangulo at mga nangangasiwa sa mga kagawaran, gayundin ng mga hukom sa hudikatura.
Pero tila lumalampas na ang ilan nating mga mambabatas sa tungkulin nilang ito. O baka mas akma pa ngang sabihing nalilihis na sila sa mga dapat na ginagawa nila. Nagiging lugar na ang kongreso ng patutsadahan, parinigan, at personalan. Kapag may hindi pagkakaintindihan, nagtatawagan na sila ng masasakit na salita. Tatawaging tsismosa ang hindi nila kasundo. Gaganti naman ang isa at gagawing katatawanan ang itsura ng pinariringgan niya. May walk-out pang nangyayari. Para tayong nanonood ng teleserye.
Maaaring sabihin ng iba, “Normal na ‘yan sa ating pulitika.” O kaya, “Hindi maiiwasan ang bangayan at batuhan ng putik.” Kahit ang pangulo ng senado, nagsabing may emosyon din ang mga mambabatas. Hindi raw sila mga robot na walang nararamdaman. Tao rin daw sila.
Walang perpektong institusyon dahil nga mga tao ang bumubuo at nagpapatakbo ng mga ito. Kahit nga ang ating Simbahan, marami ring pagkukulang. Ngunit ang pagiging “tao” ng mga nasa likod ng mga institusyong ito ay hindi dapat gamiting dahilan upang madungisan ang mabuting layunin ng mga ito. Ang gobyerno, bilang isang institusyon, ay binuo para magkaroon tayo ng kaayusan, katatagan, at kaunlaran ang bansa. Nakaatang sa mga lider natin ang tungkuling tiyakin na buo ang tiwala natin sa gobyerno, na hindi ito nagiging katawa-tawa o pinagmumulan ng kahihiyan.
Mainam na paalala sa ating mga lider ngayon ang isa sa mga positibong katangiang dapat nating linangin bilang mga mananampalatayang Katoliko—ang prudence o kahinahunan at pagtitimpi. Sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan, mababasa natin: “[Prudence] is a virtue that requires the mature exercise of thought and responsibility in an objective understanding of a specific situation and in making decisions according to a correct will.” Sa pagiging mahinahon at mapagtimpi—sa kabila ng matinding bugso ng emosyon o panggigipit sa paligid—napagninilayan ng isang lider kung ano ang tunay na mabuting gawin at tuparin ito sa tamang paraan—hindi sa galit, hindi sa pagpatol, hindi sa pambabastos.
Mga Kapanalig, sa darating na taon, eleksyon na naman. Boboto na naman tayo ng kinatawan ng ating distrito. Labindalawang senador ang papalitan natin. Ngayon pa lang, ipagdasal natin na gabayan nawa tayo ng Diyos sa gagawin nating pagpili. Gaya ng wika sa Deuteronomio 1:13, pinapipili tayo ng Diyos ng mga taong bukod sa matalino at may karanasan, maunawain din dapat, o sa madaling salita, mahinaon at may pagtitimpi.
Sumainyo ang katotohanan.