1,878 total views
Inaanyayahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang mga Pilipino sa signing of the Book of Condolences bilang pakikiramay sa pagpanaw ni Pope Francis.
Isasagawa ito sa Apostolic Nunciature sa Taft Avenue Malate Manila sa April 29, 2025 (Martes) sa ikaapat na araw ng Novendiali ng santo papa mula alas nuwebe ng umaga hanggang alas nuwebe ng gabi.
Batid ni Archbishop Brown ang pagmamahal ng mga Pilipino sa yumaong santo papa lalo nang maospital ito noong February 14 hanggang makauwi sa kanyang tahanan sa Casa Santa Marta makalipas ang mahigit isang buwang pananatili sa pagamutan.
“I want to thank you, the Filipino people, especially when I asked everyone to pray for Pope Francis. You responded with great generosity and love for Lolo Kiko. Let us continue to pray for him and for his eternal repose,” ayon kay Archbishop Brown.
Matatandaang September 28, 2020 nang italaga ni Pope Francis si Archbishop Brown bilang kinatawan sa Pilipinas at dumating sa bansa bago mag Disyembre ng parehong taon.
Sa limang taong paglilingkod sa Pilipinas nasaksihan ng nuncio ang maalab na pananampalataya ng mga Pilipino at ang pagmamahal kay Pope Francis lalo na noong dumalaw ito sa Pilipinas noong January 2015 upang makapiling ang mga biktima ng Super typhoon Yolanda sa Visayas region.
Tinuran din nito ang closing mass ng santo papa sa Quirino Grandstand kung saan humigit kumulang sa pitong milyon ang dumalo kung kaya’t tinagurian itong ‘largest papal audience’ sa kasaysayan.
April 21, Easter Monday, nang pumanaw ang 88 taong gulang na santo papa dahil sa stroke at irreversible cardiocirculatory collapse sa kanyang tahanan sa Casa Santa Marta.
Itinakda naman ng Vatican ang paglilibing kay Pope Francis sa April 26 kung saan pangungunahan ni Cardinal Giovanni Battista Re, Dean ng College of Cardinals ang banal na misa sa alas 10 ng umaga oras sa Roma o alas kuwatro ng hapon sa Pilipinas sa St. Peter’s Basilica.
Ihihimlay naman ang labi ng santo papa sa St. Mary Major Basilica sa Esquiline Hill o sa labas ng Vatican ayon na rin sa isinasaad sa kanyang spiritual testament na isang payak na libingan lamang.