542 total views
Ipinagbunyi ng mga Pilipino ang pagkakatalaga nina St. Titus Brandsma at St. Anne Marie Rivier dahil sa pagiging bahagi sa buhay ng mamamayan.
Si St. Titus Brandsma ay isang Carmelong pari na pinaslang sa Nazi concentration camp sa Germany dahil sa paninindigan laban sa mga Nazi lalo na ang pagtangging ilathala sa mga pahayagan ang kanilang mga propaganda.
Pinaslang ang pari noong 1942 at naging blessed noong ikatlo ng Nobyembre 1985 sa pangunguna ni noo’y santo papa St. John Paul II.
Si St. Titus Brandsma ay tinaguriang patron ng mga mamamahayag at dito rin nakapangalan ang Carmelites Province of Blessed Titus Brandsma of the Philippines.
Samantala si St. Anne Marie Rivier naman ay naging bahagi sa buhay ni Angel Marie Vier Degamo ng Clarin Bohol na gumaling sa karamdamang Fetalis Hydrops na isang nakamamatay na sakit sa kabataan.
Personal na dumalo si Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa pagtalaga ng simbahan kay St. Anne Marie Rivier sa Vatican kasama ang pamilya Degamo at ilang kinatawan ng Sisters of the Presentation of Mary ang kongregasyong pinasimulan ng santa noong 1796 sa Pransya.
Malaking bahagi ng Diyosesis ng Tagbilaran ang santa sapagkat dito nagmula ang isang himala na ginamit sa proseso bago maitalagang banal ng simbahang katolika.
Sa salaysay ni Bishop Uy gumaling sa karamdaman si Angel Marie Vier Degamo isang anim na taong gulang na bata mula sa Clarin Bohol na isinilang na may Fetalis Hydrops na nakamamatay na sakit at mababa ang survival rate sa mga madapuan nito.
Humiling ang pamilya Degamo ng tulong sa Panginoon sa pamamagitan ng pananalangin kay Blessed Anna Marie Rivier kung saan himalang gumaling sa karamdaman ang bata.
Taong 2018 nang atasan ni Bishop Uy si Father Ramon Jose Ongcog bilang Episcopal Delegate na nag-imbestiga sa himalang iniugnay kay St. Marie Rivier.
Itinalaga sina St. Titus Brandsma at St. Marie Rivier bilang santo nitong Mayo 15 sa St. Peter’s Square sa Vatican kasama ang walo pang mga banal sa pangunguna ni Pope Francis.
Pinangunahan naman ni Bishop Uy ang thanksgiving mass sa canonization ni St. Marie Rivier sa Basilica de Santa Maria Maggiore sa Roma ganap na alas otso ng umaga nitong May 16 kasama ang mga madre na international members ng Presentation of Mary Sisters, sa pangunguna ni Mother Maria dos Anjus Alves.