530 total views
Mga Kapanalig, tinawag kamakailan ni Senador Robinhood “Robin” Padilla ang pansin ng pamahalaan tungkol sa ating claim o pag-angkin sa Sabah, ang hilagang bahagi sa isla ng Borneo na itinuturing na isang contested territory. Sa kanyang privilege speech, ipinaalala niya ang desisyon ng French arbirtration court na nagsasabing nagkakautang ang Malaysia ng halos 15 bilyong dolyar sa mga tagapagmana ng Sultanato ng Sulu.
Ang mga tagapagmana ng Sultanato ay mga Pilipino rin kaya’t responsabilidad daw ang ating pamahalaang tulungan silang makamit ang nararapat na para sa kanila. Makikinabang din daw ang pamahalaan sa buwis na magmumula sa ibibigay sa mga tagapagmana. Ngunit nauna nang sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na itinuturing ng administrasyon ni Pangulong Ferdinang “Bongbong” Marcos Jr ang isyung ito sa Sabah bilang private claims ng mga tagapagmana ng Sultanato ng Sulu. Hindi raw ito isyu ng teritoryo o soberenya ng ating bansa. Matatandaang sa State of the Nation Address (o SONA) ng pangulo noong Hulyo, sinabi niyang ang foreign policy ng gobyerno sa ilalim ng kanyang administrasyon ay magiging “friend to all, enemy to none” ang Pilipinas. Baka hindi ito mangyari kung papapel ang gobyerno sa usapin tungkol sa Sabah.
Ngunit ang isyu sa Sabah ay hindi lamang isyu ng claims o ng teritoryo. Isyu rin ito ng mga tinatawag na stateless na mga Pilipino roon. Ito ang binigyang-diin ni Senadora Risa Hontiveros bilang tugon kay Senador Padilla. Noong nakaraang Kongreso, isinabatas ang Foundling Law na magtitiyak na makakamit ng mga batang nahanap sa labas ng tahanan o sa mga embahada ng Pilipinas sa ibang bansa ang kanilang mga karapatan at citizenship bilang mga Pilipino. Sa kaso ng mga Pilipinong nasa Sabah, maaari silang ituring na stateless persons. Tinatayang nasa 800,000 hanggang isang milyong Pilipino ang nasa Sabah. Sagot naman ni Senador Padilla, ang nangyaring deportation o pagpapauwi ng mga tao noong 2013 ang nagpalitaw sa isyu ng statelessness. Bagamat may unawaan ang Commission on Human Rights ng Pilipinas, Malaysia, at Indonesia upang solusyunan ito, ang kawalan ng konsulado ng Pilipinas sa Sabah ay isang balakid upang makakuha ang mga Pilipino roon ng mga dokumento ng kanilang pagkakakilanlan katulad ng birth certificate at passport. Paalala ni Senadora Hontiveros, ang mga Pilipinong nasa Sabah ay maituturing na overseas Filipino workers ngunit mistula silang second-class citizens kung wala silang pagkakakilanlan.
Hindi lamang karapatan ng mga Pilipinong nasa Sabah na magkaroon ng pangalan, pagkakakilanlan, at citizenship. Nilagdaan ng ating bansa ang 1954 Convention Relating to the Status of Stateless Persons noong 1955. Samakatuwid, obligasyon din sila ng ating pamahalaan kaya’t dapat nitong pagbibigay-proteksyon ang mga stateless persons doon.
Ipinapaalala sa atin ni Pope Francis ang prinsipyo ng centrality of the human person kung saan dapat mas gawing prayoridad ang pagbibigay-proteksyon at seguridad sa bawat tao bago ang national security. Ito ay nakabatay sa pagkilalang dahil sa dignidad ng tao, bawat isa sa atin, kabilang ang mga bata, ay dapat mabigyan ng access sa mga batayang serbisyo at kaukulang proteskyon. Sabi pa ng Santo Papa, maiiwasan ang statelessness kung ang mga bansa, katulad ng Pilipinas, ay tutugon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga batas na kikilala sa obligasyon nila sa mga pandaigdigang kasunduang may kinalaman sa mga mamamayan nilang nasa ibang bayan.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Mga Filipos 3:20, “tayo ay mga mamamayan ng langit.” Sa langit man o sa lupa, tayo ay mga mamamayang dapat nakakamit ang mga karapatan at may dignidad na dapat pangalagaan. Kung hindi man interesado ang Pilipinas sa isyu ng Sabah at ng Sultanato ng Sulu, tulungan sana ng gobyerno ang mga kababayan doon.