253 total views
Pinag-iingat ng opisyal ng migrant’s ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga Filipino sa Myanmar kaugnay sa nagaganap na kudeta.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, vice chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, mahalagang manatiling kalmado ang mga OFW sa lugar at iwasan ang pagpunta sa mga pampublikong lugar upang makaiwas sa karahasan.
“To our OFWs please remain calm and always be careful, always taking into consideration your personal safety; Just focus on works and avoid any place, any grouping which will endanger your stay and your works,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng obispo na sa mga panahon ng karahasan at kaguluhan bukod tanging panalangin at pagsusumamo sa Panginoon ang nararapat na gawin upang higit na manaig ang pagkakaisa at kapayapaan.
Unang araw ng Pebrero ng magkudeta ang militar ng Myanmar laban sa mga nahalal na opisyal mula sa National League for Democracy at inaresto ang civilian leader nacsi Aung San Suu Kyi.
Ang ugat ng pag-aklas ng militar ay bunsod ng akusasyong iregularidad sa nangyaring halalan noong Nobyembre sa magkatunggaling National League for Democracy at military supported Union Solidarity and Development Party.
Umaasa si Bishop Santos na higit manaig ang katarungan at isaalang-alang kabutihan ng nakararami.
“Let us turn to God that with His guidance and grace there will be no violence and common good would always prevail,” dagdag ni Bishop Santos.
Batay sa huling datos ng Department of Foreign Affairs tinatayang humigit kumulang sa 1, 300 ang mga Filipino sa Myanmar sa kasalukuyan.
Pinaalalahanan naman ng embahada ng Pilipinas ang mga Filipino sa lugar na manatiling mag-ingat at alerto sa lahat ng panahon at maaring makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa kung kinakailangan sa mga telepono 01 558149-153 at 09250765938.
Panawagan ni Bishop Santos sa mamamayan na magkaisang ipanalangin na mahinto na ang kaguluhan sa Myanmar.
“Together also we pray and offer for Myanmar for peace and harmony,” giit ni Bishop Santos.