409 total views
Nananawagan si Fr. Victor Sadaya, CMF, Executive Director ng Porta Coeli Center for Psychotrauma Management and Counseling sa mga pulitiko na gamitin ang kanilang mga pondo upang tulungan ang mga nangangailangan ngayong panahon ng pandemya.
Hamon ni Fr. Sadaya, na siya ring General Manager ng Radio Veritas Asia sa mga pulitiko na gamitin ang public funds sa mga apektado ng pandemya sa halip na ibuhos ito sa pangangampanya.
“May mga politicians ngayon na hinahanda ‘yung kanilang resources para sa kampanya. I think the best way to do the campaign is to reach out the people and we help them. Ito ‘yung pinakamagandang panahon para magkampanya sila. Hindi para to get the attention of the people,”pahayag ni Fr. Sadaya sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng pari na ngayong pandemya ay suliranin ng maraming Filipino lalo na ng mga mahihirap kung papaano nila maitatawid ang pang-araw-araw na pamumuhay sa gitna ng umiiral na krisis.
Kaya naman hinihiling ni Fr. Sadaya na nawa’y sikapin ng pamahalaan na maibigay ang mga pangangailangan ng mamamayan nang sa gayon ay maramdaman ng mga tao ang pag-asa sa kabila ng pandemya.
“Kaya importante rin talaga kung pwede ang gobyerno, kung ano man ang may pondo pa na talagang ‘yung sa loob ng dalawang linggong lockdown ay talagang matugunan ‘yung mga pangangailangan ng mamamayan. Ito na ‘yung panahon na kailangang magsakripisyo lahat e. Kasi maraming nagsasakripisyo lalo ang mga mahihirap,” ayon kay Fr. Sadaya.
Batay sa huling ulat ng World Bank, inaasahang tataas ng 21-porsyento ang national poverty rate ng Pilipinas sa taong 2020 mula sa 16.7-porsyento noong 2018, bunsod ng patuloy na pag-iral ng krisis dulot ng COVID-19 Pandemic.
Ayon naman sa pagsusuri, ang ipapatupad na Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila at iba pang high-risk area simula Agosto 6 hanggang 20 ay magdudulot ng 177,000 pagtaas sa bilang ng mga maghihirap na Filipino habang 444,000 naman ang mawawalan ng trabaho.