410 total views
Tiniyak ng Diyosesis ng Daet at Diyosesis ng Iligan ang pagtugon at pakikipagtulungan ng Simbahan sa pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 virus sa paggunita ng Undas.
Bilang tugon sa inilabas na guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para sa papalapit na Undas ay kapwa inanunsyo ng Diyosesis ng Daet at Diyosesis ng Iligan ang pansamantalang pagsasara sa mga Catholic Cemeteries mula ika-29 ng Oktubre hanggang ika-4 ng Nobyembre, 2021.
Nasasaad sa pampublikong anunsyo ng Diocese of Iligan sa Facebook page nito ang panawagan ng Roman Catholic Cemetery Office ng diyosesis sa bawat isa na maaari ng bumisita sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay hanggang sa ika-28 ng Oktubre bago ito pansamantalang magsara bilang tugon sa panuntunan ng pamahalaan.
“The Roman Catholic Cemetery Office [of the Diocese of Iligan] would like to inform everyone on the following visiting schedule gate will be open for – October 15 – 28, 2021 then will be close from October 29 – November 4, 2021 and will be open again by November 5-15, 2021.” bahagi ng pampublikong anunsyo ng Diocese of Iligan.
Sa pamamagitan naman ng isang liham sirkular ay binigyang diin ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon sa mga mananampalataya ang kahalagahan ng pananalangin para sa mga yumao at mga banal ng Simbahan sa nalalapit na paggunita ng All Saints at All Souls Day.
Paliwanag ng Obispo, bagamat pansamantalang magsasara ang mga Catholic Cemeteries sa diyosesis upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 virus ay maaari namang patuloy na gunitain ng bawat isa ang pag-aalala sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay sa taimtim na pananalangin.
“We do not forget the essential practice of praying for the dead even if Catholic cemeteries in the Diocese of Daet will be temporary closed from October 29 to November 4, 2021 to avoid large gathering of people while COVID-19 remains a threat.” panawagan ni Bishop Alarcon sa kanyang liham sirkular.
Kapwa naman nanawagan ang Diocese of Daet at Iligan sa mamamayan na magtutungon sa mga sementeryo bago ang nakatakdang pagsasara ng mga nito upang patuloy na sumunod sa mga ipinatutupad na safety health protocol gaya ng pagsusuot ng face masks, face shields at pagtiyak ng social distancing upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 virus.
Matatandaang noong nakalipas na taong 2020 ay ipinag-utos rin ng IATF ang pagsasara sa lahat ng mga sementeryo sa buong bansa upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19 virus dahil sa nakaugalian ng pagsisiksikan at pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo tuwing sasapit ang Undas.