98,061 total views
Ang mga nakakatanda o senior citizens ay isang mahalagang bahagi ng ating lipunan. Sila ay ating mga haligi ng pamilya na nagtaguyod ng mga henerasyon. Hindi matatawaran ang kanilang naging ambag sa sa kasaysayan at pag-unlad ng bansa. Sa kabila ng kanilang kahalagahan, ang mga senior citizens sa Pilipinas ay nahaharap sa iba’t ibang hamon na nangangailangan ng agarang tugon mula sa pamahalaan at lipunan.
Ang kahirapan ay isa sa mga pangunahing hamon na kinakaharap ng mga ating mga seniors. Maraming sa kanila ang walang sapat na pinagkukunan ng kita matapos silang magretiro, lalo na’t ang mga benepisyong natatanggap mula sa Social Security System (SSS) o Government Service Insurance System (GSIS) ay madalas na hindi sapat para tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Dahil dito, marami ang napipilitang magpatuloy sa pagtatrabaho kahit na sila’y dapat na magpahinga na, o kaya’y umaasa na lamang sa kanilang mga anak o pamilya.
Bukod sa aspetong pinansyal, ang kalusugan ay isa ring malaking suliranin para sa mga nakatatanda. Ang pagtanda ay kadalasang sinasabayan ng mga sakit tulad ng arthritis, diabetes, at iba pang chronic conditions na nangangailangan ng regular na gamutan at pangangalaga. Subalit, ang access sa abot-kayang serbisyong pangkalusugan ay limitado para sa maraming senior citizens, lalo na sa mga nasa kanayunan o mga lugar na malayo sa medical facilities.
Ang social isolation o ang pakiramdam ng pag-iisa ay isa pang problema na kinakaharap ng mga nakatatanda. Sa modernong panahon, kung saan abala ang mga nakababatang henerasyon sa kani-kanilang trabaho at responsibilidad, madalas na nakakaligtaan ang mga nakatatanda, na nagreresulta sa kanilang pagkakahiwalay mula sa kanilang pamilya at komunidad. Kadalasan pa nga, mas gusto nating tumutok sa gadgets natin kaysa makipag kwentuhan sa ating mga lolo at lola. Ang kawalan ng social interaction ay maaaring magdulot ng depresyon at iba pang mental health issues sa mga senior citizens.
Kapanalig, dapat maibalik natin ulit ang bahagi ng ating kultura na nagpa prioritize sa pamilya, lalo na sa ating mga lolo at lola. Ang pagbibigay respeto at pagkilala sa mga magulang at lolo’t lola na nagbigay ng gabay at suporta sa atin ay kailangan ulit mamayani sa ating lipunan. Kailangan na mabigyan natin ng pagpapahalaga ang ating mga seniors, hindi lamang sa salita kundi sa gawa. Kailangan nila ng ating aktibong pangangalaga at suporta sa kanilang pisikal, emosyonal, at pinansyal na pangangailangan. Sabi ng ani Pope Francis para sa World Day for Grandparents and the Elderly: let us show our tender love for the grandparents and the elderly members of our families. Let us spend time with those who are disheartened and no longer hope in the possibility of a different future.
Sumainyo ang Katotohanan.