4,138 total views
Hinikayat ng social, development, at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang lahat ng diyosesis at parokya sa buong bansa na magsagawa ng second collection sa mga misa sa Linggo ng Palaspas bilang pagdiriwang ng Alay Kapwa Sunday.
Ipagdiriwang sa darating na April 13, 2025, ang ika-50 anibersaryo ng Alay Kapwa Sunday na sinimulan noong 1975 at taunang ginugunita tuwing Linggo ng Palaspas–hudyat ng pagsisimula ng mga Mahal na Araw.
Ayon sa Caritas Philippines, higit pa sa pangangalap ng pondo, ang Alay Kapwa ay isang konkretong paraan ng pagpapahayag ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng mga gawa ng pagmamahal at malasakit para sa mga higit na nangangailangan.
“For five decades, our solidarity through the Alay Kapwa Program has become a cornerstone of the social action ministry across all 86 arch/dioceses and supported countless humanitarian programs, initiatives promoting sustainable development, and advocacy efforts focused on human rights, good governance and environmental protection,” pahayag ng Caritas Philippines.
Ngayong taon, ang malilikom na pondo ay ilalaan hindi lamang para sa social action programs, kundi para rin sa mga nasalanta ng malakas na lindol sa Myanmar at sa mga apektado ng pagliligalig ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Tema ng Alay Kapwa ngayong taon ang “Kapwa Ko, Pananagutan Ko: Limampung Taon ng Pag-asa”, na tumutugma sa diwa ng pagdiriwang sa Taon ng Jubileo ng Pag-asa.
“We continue to bring the message of hope and solidarity among our brothers and sisters in need, especially in San Carlos and Myanmar,” saad ng Caritas Philippines.