217 total views
Bukas ang mga Simbahan ng Archdiocese of Tuguegarao para magsilbing evacuation centers ng mga magsisilikas na residente dahil sa posibleng epekto ng bagyong Lawin.
Ito ang inihayag ni Father Augustus Calubaquib, Social Action Director ng nasabing Arkidiyosesis matapos na makipag-ugnayan sa kanila ang provincial government ng Cagayan upang magamit ang mga parokya bilang evacuation center.
Sinabi ni Father Calubaquib na bukas ang simbahan sa mga parokya para sa mga tao ngunit kailangan ding isaalang-alang ang kaligtasan at katatagan ng establisimento mula sa lakas ng hagupit ng bagyo.
“Medyo maulan na po dito sa kinaroroonan namin, naghahanda na po ang provincial government at nagpaalam sila na gawing evacuation center ang mga Simbahan,” mensahe ni Fr. Calubaquib sa Damay Kapanalig.
Naghahanda na rin ang Diocese of Laoag sa Ilocos Norte sa posibleng pagdaan sa kanila ng mata ng bagyong Lawin.
Sa mensahe ng Social Action Center coordinator ng Diocese of Laoag na si Frankie Bitagon, sinabi nitong naka-antabay na sila bago pa man dumaan ang bagyong Karen ngunit kailangan mas paigtingin ito dahil sa inaasahang mas malakas na epekto ng bagyong Lawin.
“Yesterday in the priest assembly they were [Priests] reminded to be prepared for Lawin in their parishes.”pahayag ni Bitagon sa Radio Veritas.
Naunang umaapela ng dasal ang mga Diyosesis sa Hilagang Luzon dahil sa inaasahang paghagupit ni Bagyong Lawin.
Magugunitang ang Pilipinas ay nakakaranas ng hindi bababa sa 20 bagyo kada taon at ang bagyong Lawin ang maituturing na isa sa pinakalamakas na pumasok sa Philippine Area of ‘Responsiblity ngayong taong 2016.