3,817 total views
Binuksan ng mga parokya sa Diyosesis ng Daet, Camarines Norte ang mga simbahan at pasilidad upang pansamantalang matutuluyan ng mga nagsilikas na pamilya dulot ng pananalasa ng Bagyong Kristine.
Ayon kay Daet Diocesan Social Action Ministry (DSAM) director, Fr. Jojo Caymo, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DSAM sa Parish Social Action Ministries (PSAM) upang mapabilis ang pagtukoy sa kalagayan ng mga apektadong pamilya at agarang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan.
Bagamat hindi na bago sa Camarines Norte ang makaranas ng malalakas na sakuna, nabahala si Fr. Caymo sapagkat ngayon lamang nangyari lalo na sa bayan ng Daet ang matinding pagbaha.
“First time mangyari ito, sobrang baha,” ayon kay Fr. Caymo.
Batay sa situational report ng Daet DSAM, nasa higit 600 pamilya o 2,000 indibidwal ang kasalukuyang nasa evacuation centers kung saan ang bayan ng Vinzons ang nakapagtala ng mas maraming bilang ng mga nagsilikas na umabot sa higit 400 pamilya o halos 1,300 indibidwal.
Sa panayam sa Veritas Pilipinas, ibinahagi ni Fr. Rafa Rafael ng Diocese of Daet Office of Social Communications na patuloy na tinatanggap ng mga parokya ang mga apektadong pamilya upang pansamantalang manuluyan habang hindi pa humuhupa ang pagbaha at pag-uulan.
Kabilang naman sa mga nagbukas ng mga simbahan at pasilidad ang Shrine and Parish of Our Lady of Candelaria sa Paracale, Our Lady of the Most Holy Rosary Parish sa Jose Panganiban, San Diego de Alcala Parish sa Labo, at St. Francis of Assisi Parish sa Talisay.
“Ang simbahan, ang mga parokya po ay nagbukas para sa mga evacuees, sa mga nangangailangan and marami pong pumunta sa mga simbahan para doon magpalipas ng gabi,” pahayag ni Fr. Rafael.
Sa mga nais magbahagi ng tulong at donasyon, magpadala lamang ng mensahe sa Diyosesis ng Daet facebook page upang makuha ang kumpletong detalye at pamamaraan sa pagpapadala ng tulong.
Sa huling ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bahagyang bumilis ang pagkilos ng Bagyong Kristine habang napanatili ang lakas sa karagatan sa silangan ng Aurora.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 200 kilometro Silangan ng Casiguran, Aurora habang kumikilos patungong hilaga hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometers per hour, taglay ang lakas ng hangin sa 85 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 105 km/h.