404 total views
Binuksan ng Diyosesis ng Maasin, Southern Leyte ang mga simbahan na maging pansamantalang matutuluyan ng mga apektado ng bagyong Odette.
Ayon kay Maasin Bishop Precioso Cantillas, sapilitang pinalikas ang mga residente lalo na sa mga naninirahan sa tabing-dagat upang maiwasan ang panganib mula sa pananalasa ng bagyo.
“Forced evacuation na ang mga naninirahan sa tabing dagat. May mga evacuees na kinupkop sa mga covered court or gymn ng mga parokya, kagabi hanggang ngayon,” pahayag ni Bishop Cantillas sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng obispo na ipinagpatuloy pa rin kanina ang unang simbang gabi sa diyosesis bagamat bahagya nang nararamdaman ang epekto ng bagyong Odette sa lalawigan.
“Natuloy ang mga simbang gabi kanina sa mga parokya at kapilya dito sa Maasin kahit na simula pa kahapon ay ramdam na ang pag-uulan at ihip ng hangin mula sa bagyo,” ayon sa obispo.
Samantala, dalangin naman ni Bishop Cantillas ang ganap na kaligtasan ng lahat laban sa pananalasa ng bagyo at manaig sa bawat isa ang pagmamalasakit at pagtutulungan.
“O maawaing Ama, iligtas N’yo kami sa malubhang pinsala na magiging dulot nitong Bagyong Odette. Nawa’y madama namin ang Iyong kalinga at pagmamahal sa mga sandaling ito, at nawa’y patuloy din ang pagtutulungan namin sa isa’t isa. O, Mahal naming Patrona sa Diyosesis ng Maasin, ang Birhen ng Asuncion, tulungan mo kaming lahat na maligtas sa lahat ng pinsala,” panalangin ng Obispo.
Naunang nagpahayag ang Archdiocese of Cagayan de Oro at Diocese of Surigao na bukas ang kanilang mga simbahan sa mga evacuees.
Sa ulat ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyong Odette sa layong 175 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao Del Norte.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 230 kilometro kada oras patungo sa direksyong pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.