366 total views
Lubos na apektado ng pananalasa ng Bagyong Maring ang hilagang bahagi ng La Union.
Ayon kay Fr. Gari Patiag, Social Action director ng Diocese of San Fernando, higit na apektado ng bagyo ang mga bayan ng Sudipen, Bangar, Balaoan, Luna, Bacnotan at San Juan.
“Ang mostly hit ay northern part ng La Union ‘yung malapit na sa Ilocos Sur… Of course, as I’ve said, pati na rin ‘yung second district niya, merong ‘yung mga apektado rin, entire La Union kumbaga,” pahayag ni Fr. Patiag sa panayam ng Radio Veritas.
Dahil naman sa puno na ang ilang evacuation centers, nagbukas naman ang ilang simbahan para magsilbing pansamantalang matutuluyan ng mga apektadong residente.
“Meron ‘yung mga pumunta sa church na dun sila pumwesto na kasi punung-puno na ‘yung evacuation centers. At saka ‘yung mga ibang evacuation centers naman ay nabaha rin kaya tumingin na lang sila ng ibang pwedeng mapuntahan. Inopen naman ang mga churches sa mga part na ‘yun just like in Luna, Bangar, Balaoan and even San Juan,” ayon sa pari.
Sinabi rin ni Fr. Patiag na karamihan sa mga residente ang nahirapang magsilikas dahil sa pagbaha sanhi ng mabilis na pagtaas ng tubig sa mga ilog.
“Sabi ng karamihan, napakabilis talagang tumaas ng tubig. Everybody caught unaware. They’re not expecting yung tubig. Napakabilis talaga na tumaas… Kasi ang lawak ng radius ni [Bagyong Maring], ‘yung mga tubig galing sa bundok d’yan sa Cordillera part at Benguet syempre bababa lahat ‘yan dito,” ayon kay Fr. Patiag.
Maliban sa mga pag-uulan, posible ring sanhi ng pagbaha ang pagpapakawala ng tubig mula sa Ambuklao at Binga dam sa Benguet.
Samantala, nakahanda na rin ang diyosesis sa pagsasagawa ng relief operations bilang tugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga higit na apektado ng sakuna.
Gayunman, panawagan pa rin ni Fr. Patiag ang panalangin at karagdagang tulong na sasapat para sa mga nasa evacuation centers.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa mahigit 4,528 pamilya o 19,147 indibidwal ang lubos na naapektuhan ng Bagyong Maring.