415 total views
Tiniyak ng mga Kaparian sa Visayas at Mindanao na bubuksan ang kanilang mga Simbahan para sa mga kinakailangan magsilikas dahil sa epekto ng bagyong Odette.
Ayon kay Rev. Fr. Denish Ilogon, Social Action Center ng Diocese of Surigao, pinaghahandaan na nila ang pagtama sa kanila ng bagyo kaya naman bubuksan nila ang lahat ng kanilang mga parokya at pasilidad para sa mga nais magsilikas.
Pinaalalahan din nila ang mga Kura Paroko na agad magpadala ng ulat kung mayroong mga residente na mangangailangan ng agarang pagtulong.
“Instruction natin na ipagamit ang mga facilities ng mga parokya sakaling kailangan na additional evacuation center lalo na kung may request from the LGU’s. Yun mga Parish Priest at mga point peson tinawagan na natin para mag –report agad sila if may makita sila na kailangan ng tulong sa lugar nila.” Mensahe ni Fr. Ilogon sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, nagpulong na din ang mga kaparian sa Archdiocese of Cagayan De Oro upang mapaghandaan ang mga posibleng pagbaha at paglikas.
Ayon kay Rev. Fr. Bong Galas, Social Action Director ng nasabing Arkidiyosesis kasalukuyan na silang nakakaranas ng mga pag-ulan sa lalawigan dahilan upang magdeklara na ang ilang mga sektor ng kanselasyon ng pasok sa mga tanggapan.
Dalangin ni Fr. Galas na huwag nang magdulot ng matinding pinsala ang bagyong Odette lalo na’t may takot na ang kanilang mga kababayan dahil sa karanasan noon sa bagyong Sendong noong 2011 at Bagyong Pablo noong 2012.
“Sana hindi na maging grabe ang impact ni Odette kasi may phobia na din ang mga tao lalo na dito sa amin dumaan kami sa Sendong at konti doon sa Pablo then yun dalawang pagbaha pa noon kaya pag sinabi na may bagyo natataranta na din ang mga tao.”
Inihayag ng Pari na nakahanda din silang tumanggap ng mga evacuees sa mga lugar na kinakailangan ng paglikas.
“It’s been our practice po na kapag may bagyo ang mga Simbahan natin available po at yun mga centers natin welcome ang mga [need] mag-shelter” pagtitiyak pa ni Fr. Galas.
Batay sa huling update ng PAGASA, natagpuan ang sentro ng bagyong Odette sa layong 590 kilometro silangan ng Hinatuan Surigao Del Sur habang binabaybay ang direksyon pa kanluran sa bilis na 20 kilimetro kada oras.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 120 kilometro kada oras at pagbugso na aabot sa 150 kilometro kada oras.
Patuloy na hinihikayat ng mga kaparian mula sa mga Diyosesis na maapektuhan ng bagyo ang mga mananampalataya na manalangin at magdasal para sa kaligtasan ng lahat.