11,405 total views
Ipinaalala ng opisyal ng Vatican sa mananampalataya na ang mga taong may pananalig sa Diyos ay hindi kailanman maninira at mananakit ng kapwa.
Ito ang pagninilay ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle, Pro-Prefect ng Vatican Dicastery for Evangelization, sa banal na misa para sa pagtatapos ng kauna-unahang Marian International Festival sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral.
Nakapaloob sa Misa ang Marian Conference kung saan ipinaliwanag ni Cardinal Tagle ang temang “Our Blessed Virgin Mary, our Mother and Model in our Pilgrimage of Hope”.
Ayon sa kardinal, ang pagkakaroon ng maka-Kristiyanong pag-asa ay nagmula sa Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu-Santo, upang ang bawat isa’y makamtan ang kaligayahan sa kabila ng mga nararanasang pagsubok.
Ngunit may ilang naaakit sa maling pag-asa na pinipiling gumawa ng karahasan at manakit ng kapwa para lamang sa pansariling kapakanan.
“‘Pag hindi mo nakuha ‘yung nagbibigay ng kaligayahan sa iyo at hindi ka nakakapit sa paghahari ng Diyos, you will be frustrated rather than hopeful,” ayon kay Cardinal Tagle.
Nagsimula ang tatlong-araw na pagtitipon noong January 9 kung saan isinagawa ang pagkakaloob ng Sakramento ng Kumpisal upang mabigyang pagkakataon ang mga mananampalataya na panibaguhin ang sarili at humingi ng tawad sa Panginoon.
Habang noong January 10, pinagtuunan ng dambana ang pagkakawanggawa sa pamamagitan ng feeding program, pamamahagi ng school supplies, at serbisyong pangkalusugan para sa mga mananampalataya, lalo na sa mahihirap.
Nagtapos ang festival nitong January 11 sa pamamagitan ng Banal na pagdiriwang na pinangunahan ni Cardinal Tagle katuwang si Antipolo Bishop Ruperto Santos, at mga pari ng Diyosesis ng Antipolo.
Hamon naman ni Cardinal Tagle sa lahat na pakinggan ang Mahal na Birheng Maria, na huwaran ng tunay na pag-asa, upang makamit ang tunay na kaligayahan patungo sa paglalakbay sa landas ni Kristo.
“So, Our Lady is telling us—you want peace, you want a good voyage in life, learn how to hope, real hope. Hindi ‘yung mga huwad na pag-asa na binibigay ng mundo. Kundi ang pag-asa na tanging sa Diyos natin makakamit,” giit ni Cardinal Tagle.