2,290 total views
Ang mga tricycle ang karibal ng jeep bilang hari ng kalsada sa ating bansa. Ang pampublikong transportasyon na ito ay isa sa mga pinaka-mahalagang bahagi sa buhay ng mga mamamayan ng bansa. Sa syudad man o sa probinsya, ang tricycle na ang ating inaasahan upang ihatid tayo sa mga lugan na ating pupuntahan.
Kaya lamang kapanalig, napakahirap din na trabaho ang maging tricycle driver. Halos wala kang makikitang tricycle driver na umasenso sa buhay kung sa pamamasada lamang ang kanyang aasahan. Hindi naman kasi malaki ang binabayad sa kanila, pero ang krudong kanilang ginagamit ay mahal. Lalo pa ngayon.
Kapanalig, marami po ang tricycle drivers sa ating bansa. Tinatayang umaabot ng 1.7 million ang mga registered na tricycle sa Pilipinas. Siyempre, di kasama dyan mga kolorum, na pihadong marami rin. Sa Metro Manila, tinatayang umaabot sa 300,000 ang registered tricycle units.
Marami sa mga tricycle drivers ng ating bansa ay nakatali sa mga nagpaparenta ng mga units – kailangan nilang mag boundary. Ginagamit nila ang tricycle ng iba at nagbibigay sila ng “boundary” o bayad sa tunay na may-ari. Kapag swerte, makakapag-uwi sila ng humigit kumulang P500 kada araw. Labas pa krudo na pagka-mahal mahal ngayon.
Maliban sa maliit na kita at mahal na krudo, bulnerable rin ang mga drivers na ito sa mga aksidente sa kalye. Marami sa kanila ay nakikipagsabayan sa mga mas mabilis at malaking sasakyan sa ating mga kalye, wala silang protective gear, at kadalasan, wala silang insurance.
Bulnerable rin sila sa sakit. Mahirap mag-social distancing sa tricycle na hindi mababawasan ang kita, kapanalig. Liban pa dito, araw-araw nila nasi-singhot ang polusyon sa ating mga lansangan. Maari silang magkasakit dito ng malubha sa kalaunan. At sa liit ng kita nila, tiyak na hindi nila kakayanin ang health care expenses para dito.
Kaya’t hindi mo masisi kung bakit marami sa kanila ang nanawagan ng subsidiya ngayon. Noong wala pang pandemya pati gyera sa Ukraine, hirap na sila. Nang dumating ang mga ito, parang pinako pa sila lalo sa kahirapan.
Kapanalig, kailangan matugunan ang pangangailangan ng mga tricycle drivers ng bansa. At sana kung tutulungan natin sila, huwag naman piece-meal o patse-patse. Holistic sana o pangkabuuan ang approach o estratehiya ang mga solusyon na ilalapat natin para sa kanila.
Ang mga tricycle drivers ng bansa natin kapanalig ay mahalang haligi ng buhay Filipino. Marapat na sila ay ating tulungan. Sabi nga sa Economic Justice for All, ang pagbibigay tulong sa mga maralita sa ating hanay ay naka-ugat sa ating pagiging Kristiyanong Katoliko. Ang pagtalikod sa obligasyong ito ay pagtalikod din sa kautusan ng Diyos na mahalin natin ang ating kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili.
Sumainyo ang Katotohanan.