2,376 total views
Nakikiisa ang Caritas Manila sa jeepney drivers at operators na magsasagawa ng ‘weeklong-transport strike’.
Ito ayon kay Fr. Anton CT Pascual-executive director ng Caritas Manila at pangulo ng Radio Veritas-ay upang ipanawagan na bigyan pa ng sapat na panahon o tulungan ng pamahalaan ang mga jeepney driver na magkaroon ng modern jeepney units.
Hinimok din ng Pari ang mga mamamayan higit na ang mga mananampalataya na makiisa, habaan ang pasenya at ipananalangin ang sektor ng transportasyon na makamit ang pagkakasundo.
“Alam po natin ang mga driver ng jeep ang isa mga mahihirap sa ating bayan, lalu na ngayon panahon ng pandemic nakita po natin na namamalimos ang mga driver sa kalye, kaya’t ito pong modernization program ng gobyerno ay kailangang ma-plano ng maayos sapagkat milyon ang aabutin niyan at hindi kaya ng mga drivers yan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Pascual
Muling ring iminungkahi ni Fr. Pascual ang pagsali o pagtataguyod ng mga drivers at operators’ ng kooperatiba upang makatulong na makabili ng makabagong sasakyang pampubliko.
“Ito’y isang napakagandang programa, ang kooperatiba upang mapalakas ang tinatawag po nating church of the poor, yun pong simbahang makadukha kaya’t imbes na manghingi, tayo po’y ilikha ng yaman sa pamayanan at mananatili ang yaman na ito para matugunan ang mga pinansyal na pangangailangan ng mga mahihirap,” ayon pa kay Fr.Pascual.
Batay sa datos ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), may 100-libong mga jeepney units ang nakiisa sa sa transport strike sa National Capital Region at iba’t ibang lalawigan.