333 total views
Kinilala at pinarangalan ng Arkidiyosesis ng Maynila ang mga namayapang lingkod ng simbahan partikular na ang naglingkod sa arkidiyosesis.
Sa pagninilay ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula batid nito ang mga kahinaan ng mga lingkod ng simbahan subalit matagumpay na nagampanan ang misyon na ipinagpatuloy ng kasalukuyang henerasyon.
“We thank the good Lord that in spite of the shortcomings, weaknesses and sinfulness of our deceased predecessors – cardinals, archbishops, bishops, priests, deacons, religious brothers and sister – their mission was blessed abundantly by the Lord of the harvest. We are standing on their shoulders for without them, we would not have been here,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Inalala at pinasalamatan ng cardinal ang mga yumaong pastol ng simbahan lalo na ang nagtayo ng mga simbahan, eskwelahan, ospital, seminaryo, mga orphanage at iba’t ibang institusyon na nagtataguyod sa misyong kalingain ang mananampalataya.
Hamon ng arsobispo sa mga kasalukuyang lingkod ng simbahan na ipagpatuloy at palaguin ang nasimulan ng mga namayapang lingkod upang higit na yumabong ang pananampalatayang nakaugat kay Kristo.
“Their legacies would challenge us to address felt needs at present which could be in turn our legacies for the generations yet to come,” ani ng cardinal.
Ngayong taon kabilang sa pinarangalan ng arkidiyosesis ang 18 lingkod ng simbahan na namayapa kabilang na si Fr. James Jay Timothy Thomas Patrick Paul Ferry na naglingkod ng mahabang panahon sa arkidiyosesis bilang vicar for the religious.
Kilala ang pari na limang dekadang nagmisyon sa Pilipinas hanggang sa pumanaw noong Mayo 28, 2021 dahil sa karamdaman sapagkat kabilang ito sa grupo ni legendary American General Douglas MacArthur na dumating sa bansa noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Hamon ni Cardinal Advincula sa mga kapwa lingkod ng simbahan na pagbutihan ang pagmimisyon at isabuhay ang mga halimbawa ni Hesus sa paglingap ng kapwa.
“As we recall what they had done for the Church and for the world, let us all be inspired to grab all the opportunities to do good and to become better in serving the Lord and His Church out of gratitude fo His immense love for us,” ayon pa ni Cardinal
Advincula
Ginanap ang misa para sa mga yumaong lingkod ng simbahan ng arkidiyosesis sa Lay Force chapel sa San Carlos Seminary Compound sa Guadalupe Makati City nitong November 18 kung saan bukod kay Cardinal Advincula dumalo rin sa pagtitipon si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., mga pari ng arkidiyosesis at religious men and women ng iba’t ibang kongregasyon.
Matatandaang noong November 4 pinangunahan naman ni Pope Francis ang banal na misa para sa mga yumaong cardinal, arsobispo at obispo sa St. Peter’s Basilica sa Vatican.