449 total views
Nagpahayag ng pagkadismaya ang Military Ordinariate of the Philippines sa panibagong insidente ng pamamaril ng isang pulis sa isang 52-taong gulang na ginang sa Barangay Greater Fairview, Quezon City noong ika-31 ng Mayo, 2021.
Ayon kay Military Diocese Bishop Oscar Jaime Florencio, bagamat nakalulungkot ang panibagong insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng isang kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas ay hindi naman naaangkop na lahatin ang mga pulis.
Ipinaliwanag ng Obispo na maituturing na isolated case ang naganap kaya’t hindi dapat na matakot ang publiko sa mga alagad ng batas.
Inihayag ni Bishop Florencio na hindi lahat ng mga pulis ay mayroong marahas na pag-iisip.
“Ako po ay nalulungkot dahil doon sa nangyari dun sa isang pulis last May 31, gusto ko lang ipaliwanag at bigyan din ng [diin] na hindi lahat ay ganyan ang mga utak ng pulis natin, huwag kayong matakot kasi this is something isolated an isolated case pero hindi natin maano [mapigilan] kasi alam natin na kasamahan siya natin, ng mga pulis so minsan nagi-generalized natin I understand, but huwag po natin i-generalized lahat dahil hindi naman po lahat ganyan ang mga utak ng mga pulis natin, mayroon din tayong mababait na pulis at siguro naman huwag natin i-stereotype na lahat nalang ay mayroong ganyang pag-iisip…” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam sa Radio Veritas.
Nakiusap din si Bishop Florencio sa bawat Filipino na huwag tuluyang mawalan ng tiwala at pag-asa sa mga pulis sapagkat marami pa rin sa mga kawani ng PNP ang matitino, mababait at tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.
“Sa ating mga kababayan, sa mga mamamayan natin ipagpatuloy natin ang ating our trust and confidence sa ating mga pulis dahil ito po ay mayroon din silang sinumpaan na mga commitment din sa atin sa bayan at sa taong Filipino…” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Tiniyak rin ni Bishop Florencio na bilang Obispo ng Military Diocese ay mayroong ginawang mga hakbang ang Military Ordinariate of the Philippines upang higit na mapaigting hindi lamang ang espiritwalidad kundi maging ang moralidad ng mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas.
Ayon sa Obispo, mahalaga na mabigyang ng naangkop na pansin ang moralidad ng mga pulis upang higit na magampanan ng bawat isa ang kanilang tungkulin ng hindi lamang nakabatay sa batas ng tao kundi maging sa batas ng Diyos.
“As Military Ordinariate Bishop I can assure you that we are doing something, in fact tinawagan po ako ng ating mga Chief Chaplain sa pulis na papaigtingin daw nila itong moral enhancement, kasi sa tingin ko doon kailangan lang talaga ito ng kaunting sabihin natin pansin sa kanila.” Pagbabahagi pa ni Bishop Florencio.