388 total views
Nagbabala ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines kaugnay sa posibleng ‘artificial shortage’ ng paracetamol sa mga botika lalo na sa Metro Manila.
Ayon kay Bishop Oscar Jaime Florencio ng CBCP Ministry on Health, huwag bumili ng gamot kung hindi naman kailangan upang may mabili ang mga may sakit.
Dagdag pa ng Obispo, maging kalmado at huwag magpanic sa pagbili ng mga gamot na magdudulot lamang ng takot sa publiko.
Una na ring tiniyak ng Department of Health na may sapat na supply ng paracetamol sa bansa.
“Kasakiman ang pagbili ng marami (gamot), ‘wag naman. Kung ‘di naman kailangan, ‘wag bumili. Hindi lamang tayo ang gustong mabuhay,” ayon pa kay Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Una na ring kumalat sa social media ang ulat nang pagkaubos ng paracetamol sa mga botika kasabay ng pagdami ng kaso ng nahawaan ng COVID-19 ngayong Enero na naitala sa higit 20 libo kada araw mula sa dating 1,000 kaso noong Disyembre.
Binigyan-diin naman ng Obispo na ang pagdami ng kaso ng may sakit ay isa ring paanyaya sa mga wala pang bakuna na magpabakuna laban sa COVID-19 bilang pag-iingat mula sa masamang epekto ng virus.
“Yes I believe, paraan para magpa-vaccine. Tayo naman na may vaccine na, let us give assurance to those unvaccinated na it is safe,” ayon pa sa Obispo.
Giit pa ng Obispo, matagal nang panawagan ng Simbahan ang pagpapabakuna bilang karagdagang pananggalang mula sa sakit.
Una na ring pinaalalahanan ng Obispo ang publiko na maging mahinahon sa kabila ng biglaang pagtaas ng kaso ng nahahawaan ng COVID-19.
Hiling ni Bishop Florencio sa publiko na patuloy na sundun ang health protocol at pananalangin para sa kalakasan at paghihilom ng mga may sakit.