333 total views
Papanagutin ng Department of Environment and Natural Resources o D-E-N-R ang kumpanyang pumutol ng mga puno sa kagubatan ng Brooke’s point sa Palawan.
Nagsampa na ng criminal complaint ang D-E-N-R laban sa Ipilan Nickel Corporation.
Sa inihaing reklamo ni Brooke’s Point Community Environment and Natural Resources Officer Conrado Corpuz, nasa 677 mga puno ang pinutol ng I-N-C na umabot sa 24 na hektarya kabilang ang 1.7 hektaryang hindi na sakop ng kanilang tree cutting permit.
“Granting without admitting that INC’s tree cutting permit was valid, the DENR has a strong case against the company on the 1.7-hectare cleared area,” giit ni DENR Mimaropa Regional Director Natividad Bernardino.
Tiniyak naman ni Atty. Gertrudes Mayo – Anda – Executive Director of Environmental Legal Assistance Council na kanilang paninindigan ang mandato ng D-E-N-R laban sa illegal na pamumutol ng mga punongkahoy.
“That is the advocacy that they are suppose to sue Ipilan Nickel Mining Corporation for illegal logging and other Forestry Law violation yun dapat yung gagawin nila,”pahayag ni Anda sa Radyo Veritas.
Nilinaw naman ng D-E-N-R na ang tree cutting permit na ibinigay sa Ipilan Nickel noong May 2016 ay binawi rin ni Former DENR Secretary Gina Lopez noong December 16, 2016 kaya naman wala nang bisa ang permit nito nang magsagawa ng pagpuputol ng mga puno noong Mayo 2017.
Samantala, tinitignan din ng D-E-N-R ang isa pang paglabag na ginawa ng I-N-C na pagtatayo ng mine yard road.
Matatandaang kinondena ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan ang walang habas na pagpuputol ng puno ng kumpanya ng minahan at ang patuloy nitong pagsira sa kalikasan ng Palawan.