2,887 total views
Muling nanawagan sa Malacañang ang mga obispo ng Mindanao upang hilingin na ideklarang iligal ang Tampakan copper-gold mining project sa Tampakan, South Cotabato.
Pinangunahan ni Marbel Bishop Cerilo Alan Casicas ang pagpapasa ng petisyon sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang ipawalang-bisa ang pagpapalawig sa Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) sa Sagittarius Mines, Inc. (SMI) na namamahala sa Tampakan mine operations.
Ayon sa obispo, ang 12-taong pagpapalawig ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa FTAA ay labag sa konstitusyon at dapat na ipawalang-bisa.
“We respectfully believe that the extension of the FTAA beyond the powers of the MGB and the same must be declared void, especially as the mining operations will impact on critical environmental areas,” ayon kay Bishop Casicas.
Kasama ni Bishop Casicas na nagtungo sa Malacañang sina Marbel Social Action Director Fr. Jerome Millan, at mga abogado mula sa Legal Rights and Natural Resources Center (LRC).
Iginiit ni LRC Direct Legal Services Coordinator, Atty. Rolly Peoro na dahil nagtapos na ang FTAA para sa Tampakan mine, dapat nagsasagawa na muli ang SMI ng public consultations, environmental impact assessment, at iba pang mga panuntunan na kinakailangan sa renewal.
“These safeguards are there to ensure that the utilization of our natural resources is held accountable to the highest office and therefore highest regulatory scrutiny,” ayon kay Peoro.
Maliban kay Bishop Casicas, kabilang sa mga lumagda sa petisyon sina Cotabato Archbishop Angelito Lampon; Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo; at Digos Bishop Guillermo Afable bilang mga kinatawan ng mga pamayanang maaapektuhan ng pagmimina.
Umaasa naman ang Obispo kay Pangulong Marcos na bibigyang-pansin ang panawagan at isaalang-alang ang kapakanan ng mamamayan at pangangalaga sa inang kalikasan.
“This constitutional power was exclusively lodged to your office, as the President, being the father of the nation, is entrusted to represent the best interests of the Filipino people. May your guidance and leadership of our country be blessed upon by our shared faith to protect the environment,” saad ni Bishop Casicas.
Sasakupin ng Tampakan mine ang nasa humigit-kumulang 10,000 ektaryang lupain na sumasaklaw sa mga lalawigan ng Soccsksargen at Davao del Sur.
Inaasahang sa loob ng 17 taon, ang proyekto ay makakalikha ng 375,000 toneladang copper o tanso at 360,000 onsang ginto bawat taon.