222 total views
Puspusan na ang isinasagawang paghahanda ng mga Obispo ng Mindanao na kabilang sa ikatlong batch ng mga Obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na magtutungo sa Roma para sa Ad Limina Visit kay Pope Francis.
Aminado si Archdiocese of Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma na wala pang pangkabuuang mensahe ang Mindanao Bishops para sa Santo Papa ay iisa ang kanilang hangarin at panalangin para sa pagpapatuloy ng proseso ng kapayapaan sa Mindanao.
Paliwanag ni Archbishop Ledesma na siya ring Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mutual Relations na mahalaga ang pagpapatuloy ng proseso sa pagkamit ng kapayapaan sa rehiyon lalo na sa pagsisimula ng Bangsamoro Autonomous Region sa Mindanao.
“Pag-uusapan pa namin yan but one common aspiration sa Mindanao yung pagpapatuloy ng proseso sa Kalinaw o Kapayapaan especially now with the Bangsamoro Autonomous Region also being launch here in Mindana”
pahayag ni Archbishop Ledesma.
Naunang inihayag ni Archbishop Ledesma na kabilang sa kanyang mga ninanais na ibahagi at iulat sa Santo Papa bilang Arsobispo ng Cagayan de Oro ay ang mga programa ng akridiyosesis partikular na sa usapin ng pagsusulong ng kapayapaan sa pagitan ng Kristiyano at Muslim at pagpapatatag ng pundasyon ng pamilya.
Batay sa tala, may mahigit sa 1.4-na milyon ang bilang ng mga mananampalatayang Katoliko sa Archdiocese of Cagayan de Oro na pawang tintawagan upang manindigan sa katotohanan at maging katuwang sa misyon ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon.
Samantala, bukod sa mga Obispo mula sa Mindanao kabilang rin ang mga Obispo ng Archdiocese of Lipa sa ikatlong batch ng mga Obispong Filipino na makikibahagi sa nakatakdang Ad Limina visit kay Pope Francis na nakatakda sa ika-3 hanggang ika-7 ng Hunyo.