227 total views
Hindi kailangang palawigin ang implementasyon ng Martial Law sa buong Mindanao.
Sa halip, inihayag ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na ipatupad ang batas militar sa ilang tukoy na lugar na may banta ng karahasan at terorismo tulad ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM
Ito ang reaksyon ni Bishop Bagaforo sa 1-year extension ng Martial Law sa buong Mindanao hanggang sa December 31, 2018 na kinatigan ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“Yung aking personal na pananaw, ako’y naniniwala na hindi kinakailangan na magkaroon ng Martial Law ang buong Mindanao. Aking posisyong personal, Martial Law sa mga identified at saka sa mga limited area gaya halimbawa sa mga mayroon talagang threat o rebellion, yung mayroon talagang threat ng disorder o giyera whatsoever katulad halimbawa sa Autonomous Region in Muslim Mindanao” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas
Naniniwala rin ang Obispo na bukod sa naaapektuhan ng Martial law ang demokrasya ng bansa ay nagpapakita rin ito na walang sapat na kakayahan ang mga halal na opisyal at mga ahensiya at institusyon ng pamahalaan na protektahan at tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mamamayan.
“Kasi kapag Martial Law napakarami ang suspended diyan lalong lalo na yung ordinary running of a democratic society ay naaapektuhan at hindi lamang yan kundi nagpapakita pa na walang kakayanan yung ating mga elected officials yung ating mga institutions, yung mga aganecies natin in our government institutions, ibig sabihin wala silang kakayanan, malaking issue yan kaya ako talagang naniniwala, extension yes but sa limted identified areas.” paglilinaw ni Bishop Bagaforo
Kaugnay nito, ibinahagi rin ni Bishop Bagaforo na simula ng ipinatupad ang Batas Militar sa buong Mindanao ay nagkaroon ng takot, tension, pangamba at pagkabahala ang mga mamamayan sa maaring paglabag o pang-aabuso sa kanilang karapatan.
“Simula noong nagkaroon ng Martial Law, nagkaroon tayo ng atmosphere of fear, nagkaroon tayo ng atmosphere na tensyunado ang mga tao at nagkaroon tayo ng pagkabahala na anytime yung ating karapatan ay puwedeng anytime would be violated yun ang namumuo sa in many places.” Pagbabahagi pa ng Obispo
Sa halip na martial law, mas pinaboran ni Bishop Bagaforo na isailalim sa state of emergency ang Mindanao kung saan hindi nakatuon ang lahat ng kapangyarihan at pamumuno sa militar.
Ang Diocese of Kidapawan na may halos 900-libong mananampalatayang Katoliko sa 15 parokya ay bahagi ng Ecclesiastical Province of Cotabato na isa sa mga tinukoy ng Obispo na hindi kinakailangan ang implementasyon ng Martial Law.