447 total views
Isang munting aklatan ang ibinahagi ng ilang Japanese nationals sa Caritas Manila para makatulong sa pag-aaral ng mga kabataan na naninirahan sa Baseco Compound, Tondo Manila.
Labis ang pasasalamat ng mga guro at kabataan na nagsisilbing volunteer sa mini library na malaking tulong sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga bata.
Ayon kay Teacher RJ, isa sa mga volunteer teacher sa library na ang proyektong ito ay magsisilbing inspirasyon para sa mga kabataan ng Baseco na ipagpatuloy ang kanilang mga pangarap sa pagkakaroon ng kaalaman at edukasyon.
“Isang malaking biyaya po ito sa komunidad ng Baseco lalo na sa mga kabataan. Ito po ay magiging simbolo sa pagbubukas nila ng kanilang mga pangarap sa kanilang hinaharap na buhay. Maraming salamat at nakaisakatuparan po ito sa tulong ng ating mga donors at ng Caritas Manila.”
Ika-27 ng Nobyembre taong kasalukuyan nang pormal na pasinayaan ang mini library sa tulong ng ilang mga Japanese nationals na napili ang Caritas Manila at Sto Niño de Baseco Parish bilang tagapangasiwa ng nasabing aklatan na tatawaging ‘Kinabukasan Library’.
Naniniwala naman si Bonna Bello, isa sa mga coordinators ng Caritas Manila sa Baseco Compound, na makakatulong ang library para makagabayan ng mga magulang ang mga bata na naapektuhan ang kakayanan na makapag-aral dahil sa pandemya.
Samantala, nagpapasalamat naman ang Caritas Manila sa grupo ng Japanese nationals na siyang tumustos sa pagtatayo ng munting silid aklatan.
“We are very thankful to our Japanese benefactors for choosing Caritas Manila as their partner beneficiary for this project. We really believe that this mini library will help a lot of children in Baseco community to fulfill their dreams and have a better future for their families,” mensahe ni Gilda Garcia, Program Manager ng Caritas Manila – Caritas Damayan Unit.
Magugunitang ang Baseco compound ang isa mga pinakamahihirap na lugar sa lungsod ng Maynila at may populasyon na aabot sa 60 libong indibidwal.