1,203 total views
Mahigpit na ipapatupad sa Kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno sa January 7-9, 2023 ang minimum public health standards laban sa coronavirus disease.
Sa ginanap na press conference para sa Nazareno 2023, sinabi ni Manila City Mayor Honey Lacuna na dapat tandaan ng mga debotong makikiisa sa Kapistahan ng Poong Nazareno ang pag-iingat sa kalusugan lalo’t nananatili pa rin ang banta ng virus sa kapaligiran.
“Tatlo lang naman po ‘yung kailangan nating i-sure–using of the face mask, physical distancing, and ‘yung regular po na paglilinis ng ating mga kamay.” pahayag ni Lacuna.
Iginiit ng alkalde na bagamat pinahihintulutan na ang hindi sapilitang pagsusuot ng face mask, higit pa ring mahalaga na isaalang-alang ang proteksyon lalo na sa mga lugar na mayroong pagsisiksikan ng mga tao.
Sinabi naman ni Lacuna na magtatalaga ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng mga stations kung saan mamamahagi ng mga face mask upang matiyak na may pananggalang sa virus ang mga dadalong deboto ng Poong Nazareno.
“Since ina-anticipate na po natin na marami po talagang deboto ang dadating, gusto po namin talaga, as much as possible, lahat po naka-face mask. In fact, sa atin pong mga stations, magpapalagay po kami ng face mask to ensure lang na mga naka-face mask po ang mga magsisipagdalo sa celebration natin ng Feast of the Black Nazarene.” ayon sa alkalde.
Maliban dito, paalala din ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sa mga deboto na kapag nakaranas ng anumang sintomas ng COVID-19 ay manatili na lamang muna sa mga tahanan upang hindi na makapanghawa ng kapwa.